Orientation on the Basics of Medico-Legal Examination | June 30, 2025
Matagumpay na isinagawa ang Orientation on the Basics of Medico-Legal Examination noong ika- 27 ng Hunyo, na dinaluhan ng mga City at Municipal Health Officers, mga Chief of Hospitals ng Quezon Provincial Hospital Network, at mga Medical Officers mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong magbigay ng mas malalim na kaalaman at kasanayan sa larangan ng medico-legal examination, isang mahalagang aspeto sa pagsisiyasat sa mga kaso ng karahasan, aksidente, o anumang insidente na may legal na implikasyon. Sa pamamagitan ng oryentasyong ito, napalalawak ang kakayahan ng mga health professionals na mas maayos na makapagsagawa ng medico-legal documentation at examination, alinsunod sa tamang pamantayang medikal at legal.
Tinalakay sa oryentasyon ang mga pangunahing konsepto ng medico-legal, ang kahalagahan ng wastong paghawak sa ebidensya, tamang pagdodokumento ng mga sugat o pinsala, at mga legal na konsiderasyon na dapat isaalang-alang sa bawat pagsusuri. Binibigyang-diin din ang tungkulin ng mga doktor at health officers bilang bahagi ng criminal justice system, na may mahalagang papel sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng karahasan at iba pang krimen.
Bukod sa pagpapalawak ng kaalaman, layunin din ng aktibidad na ito na mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga ospital, lokal na pamahalaan, at mga ahensyang nagpapatupad ng batas upang masiguro ang integridad ng bawat kasong medico-legal na kanilang hinahawakan.
Sa pagtatapos ng aktibidad, umaasa ang pamunuan ng Quezon Provincial Health Office na mas magiging handa at may kumpiyansa ang mga health professionals sa pagtupad ng kanilang tungkulin hindi lamang bilang tagapaghatid ng serbisyong medikal, kundi bilang katuwang sa pagsisiguro ng makatarungan at makataong proseso para sa lahat.
Ang ganitong inisyatibo ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na mapalakas ang kapasidad ng sektor ng kalusugan at mapanatili ang mataas na antas ng integridad sa serbisyo-publiko.
QPHO