2024 Provincial Children’s Month Celebration | November 19, 2024
“Mag-iwan tayo ng makabuluhang bakas para sa kinabukasan, para sa mga bata ngayon na papalit sa atin bukas.”
Ito ang naging pahayag ni Governor Doktora Helen Tan sa ginanap na 2024 PROVINCIAL CHILDREN’S MONTH CELEBRATION ngayong araw ng Martes, Nobyembre 19 sa Quezon Convention Center, Lucena City.
May temang “Break the Prevalence, End the Violence” ang nasabing selebrasyon, at isinagawa ito bilang pakikiisa ng Pamahalaang Panlalawigan sa National Children’s Month alinsunod sa Republic Act 10661 na may layunin na mapataas ang antas ng kamalayan ng mga tao tungkol sa child protection.
Tinatayang nasa pitong daan naman na day care children at mga magulang mula sa iba’t-ibang bayan ng apat na distrito ng lalawigan ang dumalo at nakisaya sa programa.
Sa pag-uulat ni Governor Tan ukol sa kalagayan ng kabataan sa lalawigan, naibahagi niya ang aktibong pagtutok ng Pamahalaang Panlalawigan para sa serbisyo at programang nakaangkla sa HEALING Agenda na tutugon upang makamit ang pangarap na mabigyang karapatan at proteksyon ang buhay ng isang bata mula sa pagkabuo nito sa sinapupunan.
Samantala, ipinagkaloob sa 21 LGUs sa lalawigan ang 2024 Seal of Child Friendly Local Governance bilang pagpupugay sa kanilang isinasakatuparan na mga proyektong pambata. Nagkaroon din ng patimpalak ang mga batang dumalo kung saan bida ang kanilang mga talento.
Nakiisa upang magpakita ng suporta sa pagdiriwang sina Vice Governor Third Alcala, Chairperson Committee on Social Welfare Board Member Vinnette Alcala-Naca, PSWDO Head Sonia Leyson, DILG Provincial Director Abigail Andre, QPPO Provincial Director PCOL Ruben Lacuesta, at ang DSWD IV-A.
Quezon PIO