
Inaugural Session of the 20th Sangguniang Panlalawigan of Quezon | July 7, 2025
PAGBUBUKAS NG UNANG SESYON NG 20TH SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG QUEZON
Isinagawa ngayong araw ng Lunes, Hulyo 07, ang makasaysayang Inaugural Session ng 20th Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, na ginanap sa Sangguniang Panlalawigan Session Hall, Lucena City.
Sa nasabing sesyon, pormal na kinilala ang bagong hanay ng mga Board Member na magsisilbing kinatawan ng apat na distrito ng lalawigan at magiging katuwang sa pagsusulong ng mga makabuluhang batas, programa, at polisiya para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Sa paunang mensahe ni Governor Doktora Helen Tan, kanyang pinasalamatan ang dedikasyon at serbisyo ng 19th Sangguniang Panlalawigan. Kanya ring ipinahayag ang mataas na pag-asa na ang bagong Sanggunian ay magiging kaagapay ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagtataguyod ng lideratong tapat, mahusay, at may malasakit na inuuna ang kabutihan at kapakanan ng bawat Quezonian.
Kasabay nito ay isinagawa rin ang nominasyon at pagtatalaga ng mga bagong opisyal ng Sanggunian, kabilang ang mga tagapangulo ng iba’t ibang komite na magsusulong ng mga adhikaing tumutugon sa pangunahing pangangailangan ng lalawigan.
Binigyang-daan din ang mga miyembro ng Sanggunian upang magbigay ng mensahe, kung saan kanilang inilahad ang kani-kanilang mga plano, prayoridad, at mga adhikain para sa distrito at komiteng kanilang pamumunuan.
Samantala, ibinahagi ni Vice Governor Third Alcala ang mga mahahalagang nagawa ng Ika-19 Sangguniang Panlalawigan na nakaangkla sa HEALING Agenda ni Governor Tan. Kabilang dito ang mga inisyatibo sa larangan ng basic social services, economic recovery, pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura, at pagsusulong ng good governance. At sa bagong yugto ng pagseserbisyo, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng dedikasyon, integridad, at transparent na serbisyo publiko bilang pundasyon ng epektibong pamumuno.
Ang inagural na sesyon ay isang makabuluhang paalala ng walang humpay na paglilingkod at matibay na paninindigan ng mga halal na opisyal para sa lalawigan ng Quezon. Isa itong panibagong yugto ng pagtutulungan at isang hakbang tungo sa isang mas maunlad, makatarungan, at progresibong kinabukasan para sa bawat mamamayan ng Quezon.
#20thSangguniangPanlalawigan
#SerbisyongTunayAtNatural
#HEALINGQuezon
#QuezonProvince
Quezon PIO