Lingap sa Mamamayan Libreng Gamutan | March 18, 2024

Lingap sa Mamamayan Libreng Gamutan | March 18, 2024

Para sa buong-pusong paglilingkod na maihatid sa bawat mamamayan ng lalawigan ng Quezon ang serbisyo ng Kapitolyo, hindi tumigil si Governor Doktora Helen Tan katuwang si Vice Governor Third Alcala upang maiabot ang libreng serbisyong gamutan sa mga naninirahan sa Polillo Group of Islands.

Sa huling araw ng programang “Lingap sa Mamamayan, Libreng Gamutan” na ginanap sa isla ng Jomalig nitong araw ng Lunes, Marso 18, tila napawi ang pagod ng gobernadora nang makita ang pag-asa at pagkakataon na naibigay para sa mga naninirahan sa isa sa pinakamalayong bayan ng lalawigan.

Umabot sa 3,094 ang naging benipesyaryo ng iba’t-ibang serbisyong medikal gaya ng libreng check-up, bunot, tuli, minor surgery sa may maliit na bukol, check-up sa buto (Orthopeaedic), derma, eye check-up, ENT, FBS/RBS, Ultrasound, Cervical Cancer Screening, X-ray, ECG, CBC, Urinalysis, gayundin ng pagpapabakuna ng PCV 23 at HPV.

Namahagi rin ng nagkakahalagang P55,000 na mga gamot para sa bawat Barangay ng Jomalig na magsisilbing pantawid tulong para sa may mga ubo, sipon, sakit sa ulo at tiyan, at iba pa.

Sa pamamagitan naman ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Treasurer’s Office (PTO) nakatanggap ng tulong pinansyal ang 453 na mamamayan ng Jomalig na hindi available ang kinakailangan nilang gamot.

Mayroon ding handog na serbisyo ang Office of the Provincial Veterenarian kung saan kanilang nabigyang pagkakataon na magpaturok ng anti-rabies, deworming, at konsultasyon ang mga may alagang hayop.

Ipinaaabot ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang pasasalamat sa lahat ng naging kabalikatan na doktor, espesyalista, at ospital upang maging possible ang buong Medical Mission sa Jomalig at lahat ng bayan sa Polillo Group of Islands.

Source: Quezon PIO