“COCONUT SPIKE MOTH” o “TIRATHABA SPP.” ang kasalukuyang kumakalat sa rehiyon ng CALABARZON

Isang nakakaalarmang peste na tinatawag na “COCONUT SPIKE MOTH” o “TIRATHABA SPP.” ang kasalukuyang kumakalat sa rehiyon ng CALABARZON.
ANO ANG COCONUT SPIKE MOTH?
Ang coconut spike moth o “Tirathaba spp.” ay isang uri ng peste na sumisira at nagdadala ng iba’t ibang antas ng pinsala sa mga puno ng niyog sa pamamagitan ng pagkain sa mga bulaklak, bunga, at murang dahon o palaspas ng niyog na nagdudulot ng tuluyang pagkasira at pagkamatay ng puno nito.
Nitong nakaraang Marso 26 hanggang Abril 5, 2025, sa ilalim ng Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A ay nagsagawa ang Regional Surveillance and Watch Action Team (SWAT) at Coconut Protection Action Team (CPAT) ng Rapid Ground Assessment (RGA) sa mga lugar na naitalang may kaso ng nasabing peste. Napag-alaman na 16, 700 coconut palms ang kumpirmadong napinsala ng coconut spike moth at 3,980 o katumbas ng 24% ng kabuuang bilang (16, 700) ang naitalang nasa high to severe degree of infestation.
NARITO ANG ILANG PALATANDAAN AT SINTOMAS NA MAKIKITA SA NIYOG NA NAPINSALA NG COCONUT SPIKE MOTH
• Makikita ang pagkasira ng pinakagitnang dahon ng niyog dahil sa pagkain ng mga uod, ito ay higit na kapansin-pansin sa mga namumunga at matatandang puno ng niyog.
• May makikitang butil-butil na mapula o maitim na kayumangging dumi, na palatandaan kung may bago o dating aktibidad ng peste.
• Pagnunuyo ng mga bulaklak ng niyog
ANO-ANO ANG MAARING GAWIN UPANG MAKONTROL ANG PAGLAGANAP NG COCONUT SPIKE MOTH?
• Gumamit ng Tray water Trap/ Light Trap upang mahulog at mahuli ang mga moth, sa ganitong paraan makokontrol ang pangingitlog at impestasyon nito.
• Gumamit ng mga chemical o bio-pesticides upang mapatay at mabawasan ang mga larvae at moth.
• Gumamit ng biological control o mga organismo na natural na kalaban ng peste, sa ganitong paraan makokontrol at mapapababa ang populasyon ng mga coconut spike moth.
Kaya’t mga kalalawigan, sama-sama nating protektahan ang ating mga niyog laban sa Coconut Spike Moth. Maging mapagmatyag sa bagong banta ng peste na lumalaganap at tandaan na ang pagkakaroon ng maagang kaalaman at tamang aksyon ay makatutulong sa pagsalba sa ating mga niyugan.
Source: Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A Pest Surveillance Report: Coconut Spike Moth Infestation