Cacao Beans Marking | August 29-30, 2024
Sa pamamagitan ng aktibong pagsuporta ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa industriya ng cacao ay buong kasiyahang nakiisa ang lahat ng miyembro at mga pinuno ng Samahan sa Industriya ng Cacao na Pangkabuhayan (SICAP-Quezon) at SICAP Quezon Agriculture Cooperative (SICAP Coop) sa isinagawang Cacao Beans Marking nitong nakaraang Agosto 29-30, 2024 sa pasilidad ng DLA Naturals, Subic, Zambales.
Ang DLA Naturals ay kilalang kumpanya na nagproproseso ng ibat-ibang produktong pagkain kabilang ang tsokolate na gawa mula sa cacao. Pagmamay-ari ito ng pamilya Ladrière mula sa bansang Belgium na nag-aalok at handang bumili ng toneladang buto ng cacao sa magandang presyo mula sa mga magsasaka ng Quezon.
Sa pangunguna ni G. Damien Ladrière kasama ang kanyang ama ay nilibot ng samahan ang kanilang pasilidad at ipinakita kung paano prinoproseso ang iba’t-ibang tsokolate sa kanilang pagawaan. Pinag-usapan rin ang mga mahahalagang ugnayan kung papaano patuloy na pasisiglahin ang pamimili ng cacao sa pagitan ng SICAP Coop at kompanya nila.
Buong kagalakan naman ang naramdaman ng bawat isa sa ugnayang mabubuo sa pagitan ng samahan at ng kumpanya kung saan higit na mapapalakas ang kapasidad ng samahan ukol sa pagnenegosyo na magbibigay karagdagan sa kita ng mga ito. Ang ugnayang ito ay nakikita ring isang daan upang patuloy na paunlarin ng bawat isa ang kanilang mga taniman.
Nasasabik naman ang pamunuan ng samahan sa oportunidad na nabuksan kung kaya’t isang pagtitipon ang agad na sisimulan para sa pagpaplano upang maparami ang koleksyon ng mga buto ng cacao at mahikayat ang marami pang magsasaka sa patuloy na pagpapalawak at tamang pag-aalaga ng cacao tungo sa mas mataas na produksyon nito sa buong lalawigan.
Courtesy of: OPA Info Unit
Quezon PIO