Lingap sa Mamamayan Libreng Gamutan | September 22, 2024
Sa walang pagod na paghahatid ng mga serbisyo para sa mamamayang Quezonian, masayang dinala sa bayan ng Pitogo ang programang “Lingap sa Mamamayan, Libreng Gamutan” na pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan nitong araw ng Setyembre 22.
Dinagsa ng 4,396 residente ng nasabing bayan ang ginanap na Medical Mission, kung saan kanilang napakinabangan ang handog na medical, dental, at surgical services na naisakatuparan sa tulong ng mga doktor at espesyalista na nagmula pa sa Maynila at ibang parte sa lalawigan ng Quezon.
Kabilang naman sa naibigay sa mga Pitogohin ang libreng pagpapatingin sa mata at libreng salamin para sa lubos na nangangailangan na nito. Gayundin ay bitbit ng Pamahalaang Panlalawigan ang libreng pagpapagupit ng buhok.
Samantala, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Treasurer’s Office (PTO) ay sinigurong mabibigyan ng Medical Assistance mula sa programang AICS ang mga pasyente na hindi available ang iniresetang gamot at rekomendasyon na pagpapalaboratoryo ng doktor.
Sa ngayon, matagumpay nang naihatid sa bawat bayan sa ikatlong distrito ang malawakang libreng serbisyong gamutan, ngunit asahan na tuloy-tuloy pa rin ang pagpapaabot ng iba pang serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan ng Bondoc Peninsula.
Quezon PIO