Boy Scouts of the Philippines Quezon Council Annual Council Meeting | March 24, 2025
Tagumpay na ginanap ngayong araw ng Lunes, Marso 24 ang Annual Council Meeting ng Boy Scouts of the Philippines Quezon Council sa Quezon Convention Center, Lucena City.
Sa unang bahagi ng programa, isinagawa ang panunumpa sa tungkulin ni Governor Doktora Helen Tan bilang Council Chairperson sa Scouting Year 2025, sinundan ito ng panunumpa ng mga bagong talagang Officers at miyembro ng Local Council Executive Board (LCEB), kabilang na ang 4 Elected Regular Members, Council Officers, Coopted Members/Sectoral Representatives, Council Standing Committees, at Council Strategic Planning Team/Quezon Internet Team (QUINTET).
Naglahad din ng report ang naturang konseho patungkol sa Council Performance for Scouting Year 2024 kung saan naipakita ang positibong pagtaas ng bilang ng mga scouts. Ito ay indikasyon na maayos na naisasakatuparan ang mga programa at proyekto na nakaangkla sa paghubog ng isang kabataang produktibo, matulungin, at may malasakit sa lipunan.
Nabigyang pagkilala rin sa programa ang mga paaralan sa Quezon na nagkamit ng Membership Achiever Awards, gayundin ang 26 finalist na Eagle Scouts at ang 10 Outstanding Boy Scouts of Quezon Council, Boy Scouts of the Philippines. Kinilala rin ang bayan ng Tagkawayan para sa kanilang bukas-palad na pagtanggap sa Hosting of Training and Activities of Boy Scouts of the Philippines at bayan ng Guinayangan para sa Continuous Municipal Financial Support and Assistance sa Boy Scouts of the Philippines.
Samantala, sa naging mensahe ni Governor Doktora Helen Tan, kanyang binalikan ang mga hamon sa scouting sa nakalipas na mga taon at pinasalamatan ang lahat ng nagtulong-tulong upang makaahon at magpatuloy ang boy scouts sa Quezon. Umaasa rin ang Gobernadora na mas lalo pang pagbubutihin ng konseho ang kanilang nasimulan upang lalo pang maipalaganap ang serbisyong naibibigay nito sa komunidad.
Quezon PIO