NEWS AND UPDATE

Pagbisita sa Sitio Angelo, Brgy. Umiray, Gen. Nakar | October 27, 2023

Pagbisita sa Sitio Angelo, Brgy. Umiray, Gen. Nakar | October 27, 2023

Maagang binisita ni Gobernor Doktora Helen Tan ang Sitio Angelo, Brgy. Umiray General Nakar ngayong araw ng Biyernes, Oktubre 27 upang kumustahin ang mga kababayang naapektuhan ng nangyaring landslide noong nakaraang Miyerkules bunsod nang walang tigil na pag-ulan.

Inikot ng Gobernadora ang mga lugar sa nasabing barangay upang makita ang kasalukuyang kalagayan ng mga mamamayan dito, at naghatid ng libreng konsultasyon at mga gamot mula sa programang “Lingap sa Mamamayan Libreng Gamot at Nutrisyon sa Barangay.”

Kasamang nag-inspeksyon ang AFP 2ID Troops sa pangunguna ni AFP 2ID Commander MGEN Roberto Capulong, Mayor Eliseo Ruzol, Vice Mayor L.A. Ruanto at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng nasabing bayan.

Patuloy naman ang pag-abot ng Pamahalaang Panlalawigan ng tulong para sa mga naapektuhang residente.

Source: Quezon PIO

Coastal Clean-up & Environmental IEC Activity | October 26, 2023

Coastal Clean-up & Environmental IEC Activity | October 26, 2023

Isang makakalikasan na araw ang sinimulan ng Provincial Government Environmental and Natural Resources Office (PGENRO) sa ginanap na coastal clean-up at environmental activity sa dalawang barangay ng bayan ng Sariaya ngayong araw, Oktubre 26.

Nakiisa ang mahigit tatlong daang partisipante mula sa PGENRO sa pangunguna ni PGENRO- Officer-in-charge John Luzano, mga residente at barangay health workers ng Castanas at Talaan, local government unit ng Sariaya katuwang ang San Miguel Corporation, Universal Rubina Corporation at Azora Holdings Incorporated sa paglilinis ng karagatan at sila’y nakakolekta ng mahigit tatlong daang kilo ng basura.

Ito ay bahagi ng Information Education Campaign (IEC) tungkol sa baybay dagat at sa solid waste management, at sa kaparehong araw ay nagkaroon din ng aktibidad kung saan itinuro sa mga residente ang tamang pamamahala ng mga basura sa paligid ng kanilang kinatitirahan.

Source: Quezon PIO

Halloween Trick or Treat Activity | October 26, 2023

Halloween Trick or Treat Activity | October 26, 2023

Trick or Treat! 🎃

Ikinatuwa ng mga anak ng empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan at mag-aaral mula sa Provincial Child Development Center ang isinagawang Halloween Trick or Treat Activity ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 26.

Bawat opisina ng Pamahalaang Panlalawigan ay may kanya-kanyang pakulo na Halloween decorations, at mayroong ding inihandang iba’t-ibang klase ng mga chocolate at candy na nagbigay ngiti sa mga batang suot ang mga nakakaaliw na costumes.

Source: Quezon PIO

Inter Local Health Zone 8 Meeting | October 26, 2023

Inter Local Health Zone 8 Meeting | October 26, 2023

Nagkaroon ng talakayan ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 26 ang Inter Local Health Zone 8 na binubuo ng Guinayangan, Lopez, Buenavista, Calauag at Tagkawayan (GLOBUCAT) mula sa ika-apat na distrito ng lalawigan ng Quezon.

Masayang pinaunlakan nina Governor Doktora Helen Tan, kinatawan ng ika-apat na distrito ng Quezon Congressman Atty. Mike Tan, ILHZ GLOBUCAT Chairman Mayor Rachel Ubana, kasama ang mga kawani ng Local Government Unit at Rural Health Unit ng mga nasabing bayan. Kabilang din sa nakipagtalakayan ang pamunuan ng Quezon Provincial Hospital Network – Magsaysay Memorial District Hospital, Philhealth Region IV-A, LHIO, Provincial Health Office at DOH Region IV-A Representative Engr. Rico De Leon.

Layon ng Inter Local Health Meeting na ito na makapagbalangkas ng komprehensibong plano patungkol sa mga suliraning kinakaharap ng mga nasabing tanggapan. Ilan sa mga napag-usapan ay ang kakulangan ng supply ng dugo sa mga ospital pati na rin ang tumataas na bilang ng teenage pregnancy. Nagbahagi din ng ulat at mga rekomendasyon ang tanggapan ng DOH, PHO at PhilHealth sa kung ano ang dapat bigyang-pansin upang mas mapalakas ang sistemang pagkalusugan sa mga nasabing bayan.

Source: Quezon PIO

Barangay at Sangguniang Kabataan Election 2023 | October 26, 2023

Barangay at Sangguniang Kabataan Election 2023 | October 26, 2023

Alamin ang ilang mga paalala at dapat tandaan para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election 2023.

Para sa iba pang impormasyon, makipag-ugnayan sa Quezon Provincial Legal Office

Disclaimer: Ang lahat ng pangalan, pangyayari, at karakter sa eksena ay pawang pagsasadula lamang.

Anumang pagkakahalintulad sa totoong buhay ay hindi sinasadya.

Link: https://www.facebook.com/watch/?v=737317158227967

Source: Quezon PIO

26th Commemoration of Indigenous Peoples’ Rights Act | October 25, 2023

26th Commemoration of Indigenous Peoples’ Rights Act | October 25, 2023

Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa selebrasyon ng Buwan ng Katutubo at Ika-26 taon na Pagdiriwang ng Indigenous People’s Rights Act of 1997 (IPRA) na inorganisa ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Brgy. Villa Espina, Lopez, Quezon ngayong araw, Oktubre 25.

Buong suporta ang ipinaabot ni Governor Doktora Helen Tan sa mga katutubo sa lalawigan sa pamamagitan ni PACSEDU Head, Mr. Anton Manrique at Quezon Provincial Information Office (QPIO).

Kalimitan sa kabayanan ipinagdiriwang ang buwan ng katutubo, ngunit ngayong taon dinala ito mismo sa kanilang komunidad upang ipadama ang cultural sensitivity at aktwal na masaksihan ang kanilang kalagayan.

Ang nasabing pagdiriwang ay pagpapakita ng kahalagahan ng mga katutubo sa malaki nilang ambag sa kasaysayan ng ating kultura at paninindigan sa pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.

Sa nagdaang dalawampu’t anim na taon, ipinagdiriwang din ang IPRA kung saan isinusulong ang pagkilala sa kanilang karapatan at pagrespeto sa bawat katutubong Pilipino.

Kasama ding dumalo sa pagdiriwang LMP-Quezon Chapter President, Mayor Rachel Ubana, NICP Regional Office IV-A – OIC TMSD Chief, Zeny-Ann B. Pinkihan, NCIP Provincial Officer, Angelo S. Sallidao at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ang pamahalang panlalawigan ay nagsusumikap na mai-angat ang antas ng kalagayan ng bawat katutubong Quezonian sa pamamagitan ng pagbuo ng Quezon Provincial Tribal Council (QPTC) na mangunguna sa kapakanan ng kanilang sektor.

Mabuhay ang mga katutubo sa ating lalawiga

Source: Quezon PIO

Philhealth Capitation Funds | October 25, 2023

Philhealth Capitation Funds | October 25, 2023

Quezon Province, kauna-unahang lalawigan sa Pilipinas na nakatanggap ng Capitation Fund mula sa PhilHealth

Isang magandang balita ang natanggap ng lalawigan ng Quezon nitong araw ng Miyerkules, Oktubre 25, pormal nang naipagkaloob ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang Capitation Fund na nagkakahalagang P72,983,582.39 na magagamit para sa mas malawak na implementasyon ng Universal Health Care Act (UHC).

Tinuturing ni PhilHealth Region IV-A Vice President Dr. Danilo Reynes na makasaysayan ang nasabing araw sapagkat ang Quezon Province ang kauna-unahang nakatanggap sa buong Pilipinas ng naturang pondo. Aniya, naging madali ang proseso ng pagbababa nito sa lalawigan dahil sa mabilis na pagtugon at pagsumite ng mga kinakailangang dokumento para dito.

Ayon naman kay Governor Doktora Helen Tan, sa pamamagitan ng Capitation Fund na ito mas magiging maayos ang sistema ng serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng programang Konsulta Package na matatandaang opisyal na inilunsad sa lalawigan ng Quezon noong buwan ng Hulyo 2023.

Samantala, hinihikayat din ng gobernadora ang bawat mamamayang Quezonian na magparehistro sa mga malapit na Rural Health Center/Unit o sa mga Quezon Primary Care Provider Network (QPCPN) Hospitals ng lalawigan upang maging benepisyaryo ng libreng konsulta lalo na sa mga out-patient na nangangailangan ng tulong medikal.

Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga pangkalusugan na programa at proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon upang maibigay ang dekalidad na serbisyong medical para sa bawat mamamayan nito.

Source: Quezon PIO

Healthy Open Spaces Development Meeting | October 25, 2023

Healthy Open Spaces Development Meeting | October 25, 2023

Nakipagtalakayan si Governor Doktora Helen Tan sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na bumubuo sa komitiba ng Healthy Quezon Open Spaces ngayong araw ng Miyerkules, Oktubre 25.

Ang naturang pagpupulong ay patungkol sa planong pagsasagawa ng Healthy Public Open Spaces sa Quezon alinsunod sa Joint Administrative Order 2023-0001 na nilagdaan ng Department of Health kasama ang ilan pang ahensya ng Gobyerno na magsisilbing lugar para sa mga pisikal na aktibidad, social interactions at maging pasyalan ng mga mamamayan sa lalawigan. Layon nitong maisulong ang “preventive healthcare” na kabilang sa komprehensibong plano ng pamahalaang panlalawigan para sa usaping pangkalusugan.

Kabilang ang tanggapan ng PHO, GSO, PEO, PPD, Tourism, PENRO, PGO at iba pang mga Non-Government Organizations na makikipagtulungan upang maisakatuparan ang nasabing plano.

Source: Quezon PIO

Buntis Congress 2023 | October 24, 2023

Buntis Congress 2023 | October 24, 2023

Sa pangunguna ng Municipal Health Office (MHO) sa bayan ng Unisan, Quezon ay nagsagawa ng Buntis Congress sa RESMA Covered Court noong ika-24 ng Oktubre 2023. Nagkaroon ng talakayan ukol sa pangangalaga sa pangkabuuang pangkalusugan ng mga nagdadalang tao. Naimbitahan ang tanggapan ng Quezon Provincial Health Office at tinalakay ni Ms. Ma. Joeann M. Reyes ng Family Health Unit ang kahalagahan ng pangangalaga sa buntis at sanggol upang mas maingatan ang mga anak nila sa kanilang sinapupunan.

Sa ilalim ng programang ito ay nagkaroon din ng libreng ultrasound para sa 50 high risk na mga mommy.

Source: Quezon PIO

Year-End Commencement Exercises | October 24, 2023

Year-End Commencement Exercises | October 24, 2023

Maligayang pagtatapos!

Isinagawa ngayong araw, Oktubre 24 ang Year-End Commencement Exercises ng mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) South Cluster Academic Year 2022-2023 na ginanap sa Quezon Convention Center, Lucena City.

Mahigit 1,300 na estudyante ng PUP mula sa bayan ng General Luna, Lopez, Mulanay, at Unisan ang masaya at sama-samang nagsipagtapos ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Dinaluhan ito ni Governor Doktora Helen Tan at inihayag ang kanyang makabuluhan at tagos sa pusong mensahe para sa mga kabataang haharap sa panibagong yugto ng kanilang mga buhay.

Source: Quezon PIO