
Stage 2 Certification Audit – Quality Management System (QMS) ISO 90012015 | March 26, 2025
TINGNAN: Nagbunga ang mahabang preparasyon at matiyagang paghahanda ng bawat tanggapan, nakapasa ang Pamahalaang Panlalawigan sa Stage 2 Quality Management System (QMS) Certification Audit na isinagawa ng Certification Partner Global (CPG)FZ LLC nitong Marso 25 hanggang 26.
Ang Stage 2 Certification Audit ay nakatuon sa mas komprehensibong pagsusuri sa sistema, dokumentasyon, at proseso na nagaganap sa bawat tanggapan upang matiyak na ang bawat isa ay tumutugon sa kinakailangang pamantayan ng sertipikasyon. Mahalaga rin sa yugtong ito ang mga ebidensya at tala na magpapatunay na nasusunod at nauunawaan ng bawat isa ang mga proseso at pamantayan sa pamamahala at serbisyo.
Sa isinagawang audit, tagumpay na naipasa ng 22 tanggapan at 14 na yunit ang pagsusuri at naipakita sa mga auditors ang mga dokumento na magpapatunay ng pagsunod sa mga prosesong kinakailangan. Sa nasabing certification audit, walang naitalang MAJOR at MINOR Non-Conformity ang CPG at ito ay nangangahulugang nasusunod ng Pamahalaaang Panlalawigan ang mga kinakailangang pamantayan sa sertipikasyon.
Ang positibong resulta ng pagkakapasa sa ISO 9001:2015 ay sumasalamin sa maayos at epektibong pamamahala at serbisyo ng Pamahalaaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan. Ito rin ay mahalagang hakbang upang maipakita na kaya nating makipagsabayan sa international standards at makapagbigay ng serbisyong may kalidad at kredibilidad.
Sa tagumpay na ito, lubos na pinasalamatan ni Governor Tan ang mga punong tanggapan at lahat ng kawani ng Pamahalaaang Panlalawigan na nakiisa at nakipagtulungan upang makamit ang ISO Certification. Gayundin, malugod niyang pinasalamatan ang mga auditors na pinamumunuan ni Auditor Team Leader Gilda Ramos na masigasig na nagsuri at nagrekomenda ng mga hakbang upang lalo pang mapabuti ang sistema ng pamamahala sa lalawigan.
#ISOCertified
Quezon PIO