
Municipal Fisheries Development Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon | April 29, 2025
Bilang bahagi ng Municipal Fisheries Development Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, matagumpay na isinagawa ang awarding at installation ng 30 yunit ng Artificial Reef sa bayan ng Plaridel nitong ika-24 hanggang ika-25 ng Abril, 2025. Ang proyektong ito ay pinangungunahan ng Fisheries Division ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at nakatuon sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga mangingisda at sa konserbasyon ng yamang-dagat.
Pangunahing layunin nito ang pagpapayaman ng biodiversity sa baybaying-dagat ng Plaridel sa pamamagitan ng artipisyal na bahura, pagpaparami ng isda at iba pang lamang-dagat upang magkaroon ng mas mataas na ani ang mga mangingisda, pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga benepisyaryong mangingisda upang maitaas ang kanilang kita at agpapatatag ng lokal na industriya ng aquaculture at pangisdaan.
Ang Artificial Reef ay nagsisilbing tirahan, taguan, at pangingitlugan ng mga lamang-dagat, na sa kalaunan ay magreresulta sa mas malusog at mas produktibong marine ecosystem. Sa pamamagitan nito, hindi lamang kabuhayan ang natutulungan, kundi pati ang kapaligiran.
Ang pagpili ng mga benepisyaryo ay isinagawa sa pamamagitan ng masusing validation upang matiyak na ang mga makikinabang ay aktibong kasapi ng lokal na sektor ng pangingisda at may tunay na pangangailangan. Tiniyak dito na legal at rehistrado ang bangka at kagamitan sa pangingisda, may pisikal na access sa lugar kung saan ilalagay ang Artificial Reef, handa at may kaalaman ang benepisyaryo sa paggamit at pagpapanatili ng artificial reef kung saan magkakaroon ng aktibong partisipasyon sa MFARMC ang mga benepisyaryo.
Ang aktwal na installation ay isinagawa kasabay ng awarding ceremony kung saan kasama rito ang paglalagak ng reef modules sa itinakdang lugar sa dagat na naunang sinuri para sa ecological suitability at koordinasyon sa lokal na pamahalaan at mga mangingisda upang tiyakin ang tamang lokasyon at maayos na deployment.
Ang mga reef units ay gawa sa matibay na concrete modules na disenyong angkop sa mga marine organisms sa Lalawigan ng Quezon. Inaasahan na sa loob lamang ng ilang buwan ay sisimulan nang panirahan ng mga isda at iba pang species ang mga ito.
Ang proyektong ito ay magbibigay ng malawakang benepisyo hindi lamang para sa mga indibidwal na benepisyaryo kundi para sa buong komunidad. Ang mga inaasahang epekto ay:
• Pagtaas ng ani ng mga mangingisda sa mga susunod na buwan.
• Pagpapabuti ng kabuhayan ng mga coastal communities.
• Pagpapalawak ng kaalaman ng mga mangingisda tungkol sa sustainable fishing practices.
• Pangmatagalang proteksyon at pagpaparami ng marine resources.
Magsisilbing modelo rin ito para sa iba pang bayan sa lalawigan na may kahalintulad na pangangailangan sa sektor ng pangisdaan.
For more details, visit this link: https://www.facebook.com/share/p/1BY2o52bwH/
#adoptareefprogram #fisheriesproduction #quezonagrifishery
#QuezonProvince
Quezon PIO / Agriculture Office