Pormal na Pagpapahayag ng Development Academy of the Philippines (DAP) na Isa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa mga “Beneficiary Institutions” ng Technical Assistance (TA) grants para sa Government Quality Management Program | March 01, 2024
Pormal na ipinahayag ng Development Academy of the Philippines (DAP) na isa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa mga “beneficiary institutions” ng technical assistance (TA) grants para sa Government Quality Management Program or GQMP na ipapatupad sa kabuuan ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong taong 2024 tungo sa pagkakaroon ng ISO 9001:2015 Certification.
Ito ay pormal na iginawad sa isinagawang Management Briefing sa Virata Hall ng DAP sa Lungsod ng Pasig noong ika-29 ng Pebrero 2024 na kinapalooban ng Commitment Signing sa pagitan ng lalawigan at ng DAP. Ang Punong Lalawigan ng Quezon Angelina “Doktora” Helen Tan ay kinatawanan ni G. Manuel Butardo kasama ang Pangulo at Chief Executive Officer ng DAP Majah-Leah V. Ravago, PhD. Kasama rin na dumalo sa nasabing okasyon ay sina G. Alberto S. Bay, Jr, Provincial Government Department Head ng Internal Audit Service Office at G. John Francis L. Luzano, Officer-In-Charge ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office. Sina G. Bay at G. Luzano ang magsisilbing focal person at alternate focal person para sa natatanging gawaing ito.
Ang pagkakaroon ng Quality Management System sa Pamahalaang Panlalawigan ay isa sa mga pagbabagong nais ihatid ng ating Punong Lalawigan sa kapitolyo upang lalong mapataas ang antas ng serbisyo para sa ating mga kalalawigan.
Ang nabanggit na grant na TA ay lubos na makakatulong sa lalawigan at hindi na kailangang gumastos para sa mga pagsasanay at ang pagsasakatuparan ng isang Quality Management System ay makakasagot upang tuparin ang pagkakaroon ng isang may pananagutan at inklusibong pamahalaan.
Source: Quezon PIO