
Lunas na Abot-Kamay: Mabilis at Libreng Operasyon, Hatid ng Surgical Caravan | April 14, 2025
Lunas na Abot-Kamay: Mabilis at Libreng Operasyon, Hatid ng Surgical Caravan
Para kay Rosebelly, 46 taong gulang mula sa Candelaria, naging maayos at mabilis ang kanyang karanasan sa isinagawang Surgical Caravan. Mula sa pagpasok sa ospital hanggang sa mismong araw ng operasyon, walang naging abala o pagkaantala sa kanilang proseso. Pinuri rin niya ang dedikasyon ng mga nars at doktor na nagbigay ng serbisyo, lalo na ang pagbisita at pag-aalaga sa kanila kinabukasan matapos ang operasyon. Ang pinakamahalaga para kay Rosebelly at sa kanilang pamilya ay ang kawalan ng anumang bayarin sa kanilang pagpapagamot, isang malaking ginhawa dahil sa kanilang kapos na pinansyal.
Kinumpirma rin ni Rosebelly na batay sa kanyang nakausap na mga naunang pasyente, wala rin silang binayaran. Ibinahagi niya ang obserbasyon na mas dumarami na ang mga pasyenteng lumalapit sa ospital simula nang mapalaki ang pasilidad, dahil na rin sa patakaran ng “zero balance billing.” Ito ay isang napakalaking tulong para sa mga kababayang nangangailangan ng medikal na atensyon ngunit walang sapat na pondo. Ang Surgical Caravan, kasama ang patakarang ito, ay tunay na nagbibigay ng lunas na abot-kamay para sa mga kapos-palad.
Quezon PIO / QPHN-QMC