Edukasyon sa Aksyon: Karanasan at Kasanayan mula sa Quezon Provincial Work Immersion at OJT | April 23, 2025
“Mula sa Silid-Aralan Hanggang sa Tanggapan: Work Immersion at OJT Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, Naging Lunsaran upang Maipamalas ang Galing ng mga Estudyanteng Quezonian”
Sa layuning makapagbigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na madagdagan ang kanilang kaalaman at mailapat ito sa aktuwal na gawain sa iba’t-ibang tanggapan at larangan ng pampublikong serbisyo, ay malugod na isinakatuparan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Quezon Provincial PESO ang Work Immersion at On-the-Job-Training Programs, sa pakikipagtulungan ng Office of the Provincial Human Resource Management Officer, iba’t-ibang opisina sa Pamahalaang Panlalawigan, at mga partner schools sa probinsya.
Mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan ay mayroong isang libo at apat (1,004) na mga mag-aaral mula sa ika-labindalawang baitang ang sumailalim sa Work Immersion Program na nagmula sa labing-anim (16) na paaralan sa lalawigan: animnaraan at siyamnapu’t dalawa (692) mula sa Quezon National High School, isang daan at limampu (150) mula sa Sacred Heart College, apatnapu’t lima (45) na nagmula sa Talipan National High School, apatnapu’t dalawa (42) mula sa Cesar C. Tan Memorial High School, dalawampu’t isa (21) mula sa Calayan Educational Foundation Inc., dalawampu (20) mula sa Alabat National High School, labing-pito (17) mula sa Holy Rosary Catholic School, siyam (9) sa Quezon Science National High School, anim (6) ang nagmula sa Inter-Global College Foundation at dalawa (2) naman ang nagmula sa Ark Technological Educational System. Bago matapos ang dalawang linggo na paglilingkod sa mga tanggapan ay nagsagawa naman ng pagsubaybay o monitoring ang mga Work Immersion Coordinators na nagmula sa mga katuwang na paaralan.
Sa kabilang banda, mayroon namang animnapu’t siyam (69) na mag-aaral sa kolehiyo ang sumailalim sa OJT Program na nagmula sa limang (5) paaralan sa lalawigan. Kinapapalooban ito ng apatnapung (40) mag-aaral mula sa Southern Luzon State University, siyam (9) ang nagmula sa Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena, tig-pito (7) mula sa Manuel S. Enverga University Foundation at Polytechnic University of the Philippines- Unisan, at tig-tatlo (3) ang nagmula sa STI at BWEST College.
Bago isagawa ang deployment ay sumailalim ang mga mag-aaral sa oryentasyon na inilunsad ng tanggapan sa pangunguna ni Ms. Genecille P. Aguirre, PGADH/ PESO Manager. Tinalakay naman ni Ms. Florita P. Santamena, ang Focal Person ng Career Development Support Program, ang mga dapat mabatid ng mga mag-aaral hinggil sa tamang pag-uugali ng isang empleyado at ang pagsunod sa mga patakaran sa mga tanggapan kung saan sila itinalaga. Katuwang din sa mga oryentasyon ang Provincial Government Environment and Natural Resources Office, sa pangunguna ni Mr. John Francis Luzano, upang bigyang kabatiran ang mga mag-aaral ukol sa Solid Waste Management at tamang pangangalaga sa kalikasan. Bagamat maikling panahon lamang ang nakalaan para sa gawaing ito, walang namang makatutumbas sa mga aral, karanasan at kasanayang natamo ng bawat kabahaging mag-aaral mula sa makabuluhang programang ito ng Pamahalaang Panlalawigan.
#QuezonProvince
Quezon PIO / PESO