
Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at OWWA, Mananatiling Kapit-bisig sa Pag-alalay sa mga Bayaning Masigasig | April 15, 2025
Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at OWWA, Mananatiling Kapit-bisig sa Pag-alalay sa mga Bayaning Masigasig
Nagsagawa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pakikiisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Quezon Provincial Public Employment Service Office ng isang aktibidad na nakatuon sa pamamahagi ng test permit sa mga mag-aaral na anak ng mga Overseas Filipino Workers na nangangailangan ng tulong pinansyal. Isinakatuparan ito alinsunod sa Education Development Scholarship Program/ Congressional Migrant Worker Scholarship Program ng OWWA na ginanap noong ika-18 ng Marso, 2025 sa ikatlong palapag ng Main Capitol Building, Lucena City, Quezon.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng mga kinatawan ng OWWA Regional Office 4A kabilang na sina Ms. Avelina Sheryl Briton-Caya, OWWO III-Education and Training Unit Head; Mr. Paul Jordan C. Prado at Ms. Gracielle B. Corpuz mula sa Education and Training Unit; Ms. Stephanie Banasihan mula sa Finance Unit; at si Ms. Lyka Janelle Llaga, Family Welfare Officer.
Ang layunin ng aktibidad ay makapagbigay ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Welfare Assistance Program (WAP) ng tanggapan. Sa kabuuan ay mayroong siyamnapu’t dalawang (92) Quezonians ang nabigyan ng iba’t ibang programa/serbisyo: limampu’t tatlong (53) mga iskolar na tumanggap ng assistance, dalawampu’t lima (25) na pinagkalooban ng medical assistance, tatlo (3) ang tumanggap ng bereavement assistance, siyam (9) para sa Balik Pinas Hanap Buhay, isa (1) naman ang pinagkalooban ng Insurance Claim Fund (ICF), at isa (1) rin ang hinandugan ng Immediate Financial Assistance.
Patuloy ang hangarin ng OWWA at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon katuwang ang Quezon Provincial PESO na makapagbigay ng mga programa at serbisyong nakatuon sa kapakanan ng mga itinuturing na mga modernong bayani at sa kanilang mga mahal sa buhay. Sa kabila ng mga pagsubok ay hindi matatawaran ang dedikasyon ng mga nabanggit na tanggapan upang matumbasan ang sakripisyong inilalaan ng mga OFW upang makamit ang maginhawang buhay at maging daan tungo sa maunlad na ekonomiya ng bansa.
Quezon PIO