
Opisyal na pagbubukas ng 2025 Filipino Food Month na may temang “Sarap ng Pagkaing Pilipino: Yaman ng Ating Kasaysayan, Kultura at Pagkatao” | April 5, 2025
Sa opisyal na pagbubukas ng 2025 Filipino Food Month na may temang “Sarap ng Pagkaing Pilipino: Yaman ng Ating Kasaysayan, Kultura at Pagkatao”, ngayong araw ng Biyernes ika-04 ng Abril, muling ipinagdiwang ang mga pagkain at produktong Pilipino na may makulay at mayamang kultura at tradisyon.
Isang makasaysayang araw ito para sa Lalawigan ng Quezon sapagkat ito ang unang pagkakataon na dito ginanap ang kick-off ng nasabing selebrasyon. Ibinida ng lalawigan ang sari-saring produkto gaya ng mga sariwang gulay at prutas gayundin ang mga pampasalubong at kakanin na mula sa maliliit na negosyante at lokal na kooperatiba at samahan ng magsasaka.
Samantala, tampok ang masarap at katakamtakam na mga pagkain sa “Pamanang Lutuin Cooking Competition” kung saan ipinatikim ng labing-limang kalahok ang ipinagmamalaking lutuin na mula sa kani-kanilang mga bayan. Itinanghal na champion sa kompetisyon ang bayan ng Lucban, habang nakuha naman ng bayan ng Tagkawayan ang ikalawang puwesto at bayan ng Guinayangan para sa ikatlong puwesto.
Nagpamalas rin ng angking galing at talento ang mga Quezonian gaya ng Sariaya Community Rondalla, Duluyan Theater Organization at Terpsichorean Performing Arts Academy sa kanilang Cultural Performances and presentation.
Lubos ang pasasalamat ng Pamahalaang Panlalawigan partikular na ang Provincial Tourism Office na pinamumunuan ni PTO Nesler Louies Almagro at Office of the Provincial Agriculturist na pinamumunuan ni Doc. Liza Mariano sa pambansang ahensya ng Department of Agriculture (DA), Department of Tourism (DOT), National Center for Culture and Arts (NCCA), at Philippine Culinary Heritage Movement (PCHM) dahil sa pakikipagbalikatan nito upang tagumpay na maisagawa ang pagdiriwang sa lalawigan ng Quezon.
Mga kalalawigan, sama-sama nating tangkilikin at ipagmalaki ang mga pagkain na salamin ng ating pagkakakilanlan at repleksyon ng isang mayamang kultura at tradisyon ng Pilipinas.
#FilipinoFoodMonth2025
#NationalKickOffCelebrationsaQuezon
#QuezonProvince
Quezon PIO