
3rd Surgical Support Caravan | April 24, 2023
Hindi natatapos ang mga isinasagawang hakbangin ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Doktora Helen Tan upang patuloy na masolusyonan ang mga medikal na suliranin ng bawat mamamayan sa probinsya, kung saan ngayong araw ng Lunes, Abril 24, sa ikatlong pagkakataon ay umarangkada muli ang Surgical Caravan sa Quezon Medical Center (QMC).
Sa pakikipagbalikatan sa Philippine Heart Center, East Avenue Medical Center, Philippine College of Surgeon Southern Tagalog, Quezon Medical Society, at National Kidney and Transplant Institute ay mabibigyan ng libreng operasyon ang may mga problema sa kindey, may bato sa apdo, luslos, at iba pang sakit mula Abril 24 hanggang Abril 28.
Gamit ang nilaang pondo ng iba’t-ibang institusyon ay nagkaroon naman ng blessing ng bagong Laparoscopy Tower ang nasabing ospital, na kung saan inihayag ni Gov. Tan na malaki ang kontribusyon ng medikal na kagamitan na ito upang mapadali ang proseso para sa malinaw na biswal at dokumentasyon ng mga operasyon.
Samantala, tinalakay naman ni Chief of Hospital Dr. Juan Eugenio Fidel Villanueva ang patungkol sa mga medikal na aktibidad na naganap noong nakaraang linggo, nabibilang dito ang walkthrough sa iminumungkahing ekstensiyon ng X-Ray Laboratory at ang pagsasaayos ng Emergency Room.
Source: Quezon PIO