NEWS AND UPDATE

Meeting with Technoclear for the Technology Solutions Expo 2023 | November 23, 2023

Meeting with Technoclear for the Technology Solutions Expo 2023 | November 23, 2023

Bumisita sa tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ang kumpanyang Technoclear sa pangunguna ng Company Owners na sina Mr. Kit Ling Wong at Ms. Christine Wong ngayong araw ng Biyernes, Nobyembre 24.

Layon ng naturang kortesiya na personal na maibigay ng nasabing kumpanya ang kanilang imbitasyon patungkol sa gaganaping Technology Solutions Expo 2023 sa darating na December 1-2 sa Batis Aramin, Lucban, Quezon kung saan maipapakita ang iba’t-ibang makabagong teknolohiya na may kaugnayan sa surveillance, connectivity, automation, communication, education at entertainment.

Batid ng Gobernadora na malaki ang kahalagahan ng paggamit ng mga makabagong teknonolohiya para sa mas mabilis at de-kalidad na serbisyo kung kaya’t kaniyang hinikayat ang ilang mga tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan na makibahagi sa event na ito para sa panibagong kaalaman na higit na makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng lalawigan.

Source: Quezon PIO

Meeting with Department of Trade & Industry | December 23, 2023

Meeting with Department of Trade & Industry | December 23, 2023

Malugod na tinanggap ni Governor Doktora Helen Tan sa Pamahalaang Panlalawigan ang tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pangunguna ni DTI Digital Philippines and Ecommerce Asst. Secretary Mary Jean Pacheco kasama si DTI Quezon Provincial Director Julieta Tadiosa at ilang mga kawani ng nasabing tanggapan, ngayong araw, Nobyembre 24.

Ilan sa mga tinalakay sa pagpupulong ay ang Food Logistics Agenda kung saan nais na baguhin ang sistema ng Food Distribution sa lalawigan. Nabanggit din ang patungkol sa Cold Storage Facilities at ang pakikipag-ugnayan ng DTI sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DTI ASEC Pacheco, nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa Ina ng lalawigan ng Quezon dahil sa posibilidad na magkaroon ng Quezon Fresh na ang pangunahing layunin ay sa Quezon magmula ang mga gulay na mabibili ng mga institutional buyers.

Patuloy ang pakikipag-balikatan ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga ahensiyang makatutulong sa pagsasaayos ng sistema sa industriya ng kalakalan na tiyak na magbibigay din ng malaking oportunidad sa mga mamamayang ito ang pangunahing ikinabubuhay.

Source: Quezon PIO

Provincial Children’s Month Celebration | November 22, 2023

Provincial Children’s Month Celebration | November 22, 2023

Masiglang nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pagdiriwang ng National Children’s Month sa pamamagitan ng pagsasagawa ng programa ngayong araw ng Miyerkules, Nobyembre 22 sa Quezon Convention Center, Lucena City.

Sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), dinaluhan ng 500 na bata at 200 na magulang mula sa iba’t ibang bayan ng apat na distrito ng lalawigan ang nasabing selebrasyon na layong pagtuunan ng pansin ang pangangalaga ng kalusugan at nutrisyon ng bawat bata sa Quezon.

Personal na dinaluhan ito ni Governor Doktora Helen Tan kung saan kanyang masayang ibinalita ang iba’t ibang handog na mga programa at proyektong tumutugon sa mga pangangailangan, proteksyon, at kagalingan ng mga bata. Isa na rito ang mas pinalawak na Provincial Code for Welfare of Children na napagtibay ng Sangguniang Panlalawigan, gayundin ang pagpapatuloy ng vision screening para sa pangangalaga ng mga mata na matatandaang nakabalikatan noon ang The Fred Hollows Foundation.

Tinututukan din ang pagbibigay tulong sa mga batang nabibiktima ng pang-aabuso at exploytasyon, kung saan naman ay pinagplaplanuhan na ang pagtatayo ng center o Bahay Pag-asa para sa mas maayos na kinabukasan ng mga batang napagkaitan ng maayos at masayang pamilya.

Samantala, bibong-bibo na nagtanghal ang bawat kalahok sa inihandang kompetisyon na nagbigay ligaya sa mga bata at magulang na dumalo sa programa. Ginawaran din ang bawat bayan na nakakuha ng Seal of Child Friendly Local Governance.

Source: Quezon PIO

Joint Session of the Sangguniang Panlalawigan ng Quezon & Sangguniang Panlungsod ng Tayabas | November 22, 2023

Joint Session of the Sangguniang Panlalawigan ng Quezon & Sangguniang Panlungsod ng Tayabas | November 22, 2023

Ginanap nitong Nobyembre 21 ang Joint Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon at Sangguniang Panlungsod ng Tayabas.

Binigyang pagkakataon na mapag-usapang muli ang patungkol sa Usufruct Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at Lungsod ng Tayabas na napagtibay noong ika-9 ng Marso taong 2020.

Ang nasabing Usufruct Agreement ay ang planong makapagtatag ng Niyogyugan Village sa sampung hektarya ng Lupa na nasasakupan ng Brgy. Baguio, Tayabas City kung saan ang proyektong ay tiyak na makakahikayat ng mga mamumuhunan, magbibigay ng oportunidad at pagkakataon sa mga mamamayan ng lungsod ng Tayabas at mga karatig bayan upang mas makilala pa ang mga produkto ng lalawigan gayundin ang pagbida sa probinsya ng Quezon.

Samantala, nilinaw naman ni Provincial Officer Atty. Julienne Therese V. Salvacion na walang ibang party na kasali sa kasunduang ito ng Pamahalaang Panlalawigan at Lungsod ng Tayabas.

Source: Quezon PIO

Meeting with Department of Labor & Employment and International Labor Organization | November 22, 2023

Meeting with Department of Labor & Employment and International Labor Organization | November 22, 2023

Bumisita sa tanggapan ni Governor Doktora Helen Tan sina DOLE Quezon Provincial Director Edwin Hernandez at International Labour Organization (ILO) Consultant Atty. Rebecca Chato ngayong araw ng Myerkules, Nobyembre 22.

Natalakay sa nasabing kortesiya ang planong pagbubuo ng Quezon Coconut Industry Tripartite Council at ang estratehiyang pagsunod sa labor standards mula sa ILO na naglalayong makapaghatid ng de-kalidad na trabaho para sa mga mamamayan sa lalawigan ng Quezon.

Batid ng Ina ng lalawigan na likas na mayaman ang Quezon pagdating sa niyog kung kaya’t pinagsusumikapan na mabigyan ng karampatang pansin ang produksiyon nito at nang makapagbigay ng higit pang oportunidad para sa mga mamamayan ng lalawigan na niyog ang pangunahing hanapbuhay.

Source: Quezon PIO

Scholarship para sa mga kabataang Quezon | November 22, 2023

Scholarship para sa mga kabataang Quezon | November 22, 2023

Isa sa layunin na nakapaloob sa HEALING AGENDA ni Governor Doktora Helen Tan ay ang maayos na edukasyon para sa bawat kabataang Quezonian, at matapos ang ilang buwan ay maisasakatuparan na ang 1 Poor Family, 1 College Graduate Full Scholarship Program kung saan masusing pinili ang mga aplikanateng mag-aaral mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan.

Opisyal nang ipinakilala noong Nobyembre 22 ang unang batch ng limangpung kwalipekadong kabataang nag-apply sa nasabing scholarship sa paghahangad na makatapos ng kolehiyo para sa kanilang mga pangarap, pamilya, at maayos na kinabukasan.

Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan ang pagbibigay oryentasyon sa mga iskolar kung saan kanyang hinahangad na madadagdagan pa mga kabataang mabibigyan ng scholarship sapagkat ang kaalaaman at edukasyon ay isa sa pinakamahalagang instrumento upang maabot ang magandang pamumuhay.

Patuloy naman ang pagsusumikap ng gobernadora upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamayan sa lalawigan upang maiahon ang kanilang buong pamilya sa kahirapan, at isa na dito ang edukasyon para sa mga kabataang Quezon.

Source: Quezon PIO

Pugay Tagumpay – Pagpupugay sa Tagumpay ng mga Benepisyaryo ng Pantawid na Nakatawid sa Kanluran | November 21, 2023

Pugay Tagumpay – Pagpupugay sa Tagumpay ng mga Benepisyaryo ng Pantawid na Nakatawid sa Kanluran | November 21, 2023

Isang pagpupugay ang isinagawa ngayong araw, Nobyembre 21 upang kilalanin ang mga Pamilyang nagsipagtapos bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Quezon.

Ang 700 pamilya na nagsipagtapos sa programa ay maituturing na matagumpay na nai-ahon ang pamumuhay o umabot na sa Level 3 of well-being ayon sa assesment ng Social Welfare and Development Indicators (SWDI).

Dumalo naman sina DWSD Field Office IV-A ARDO Mylah S. Gatchalian, Asst. Sec. Ma. Evelyn B. Macapobre, Quezon Provincial Administrator Manuel M. Butardo, PSWDO Head Sonia S. Leyson, at Director Gemma B. Gabuyao.

Katuwang ang mga Local Government Unit at Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pag-alalay at pagbibigay ng mga programa upang patuloy na mai-angat ang pamumuhay ng Pamilyang Quezonian.

Source: Quezon PIO

71st Regular Session of The Sangguniang Panlalawigan ng Quezon | November 21, 2023

71st Regular Session of The Sangguniang Panlalawigan ng Quezon | November 21, 2023

Sa patuloy na pagbabalangkas ng mga usaping panglehislatura para sa ikabubuti ng mga mamamayan ng Lalawigan ng Quezon, ginanap ang ika-71 Pangkaraniwang Pulong ng Sangguniang Panlalawigan ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 20.
Isa sa naaprubahan ay ang ordinansang bayan ng Sariaya na magbibigay ng buwanang tulong pinansyal sa mga solo parents na pangulo ng apatnapu’t tatlong barangay ng nasabing bayan.
Sa usaping kalusugan, aprubado rin ang liham mula sa Pamahalaang Panlalawigan na nagbibigay pahintulot kay Governor Doktora Helen Tan na pumasok sa kasunduan sa pagitan ng Quezon Provincial Hospital Network- Quezon Medical Center na lagdaan ang Return Service Agreement para sa mga magsisipagtapos na nagsasanay na mga residente ng nasabing ospital.
Isa rin sa napagtibay ang patungkol sa paglagda ng gobernadora sa memorandum of agreement sa pagitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Quezon upang magamit ang mga medical facilities ng pamahalaang panlalawigan para sa mga kawani ng nasabing tanggapan.
Sinisigurado ng Sangguniang Panlalawigan na lahat ay mabibigyang katuparan, ang mga ordinansa, resolusyon, at atas tagapagpaganap para sa ikabubuti ng Lalawigan.

Source: Quezon PIO

Happy International Men’s Day

Happy International Men’s Day

Ngayong International Men’s Day, binibigyang halaga ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang mga isyung kinakaharap ng mga kalalakihan sa ating komunidad.

Para sa ating mga kalalakihan sa lalawigan, kinikilala namin ang inyong lakas at kontribusyon sa lipunan

Source: Quezon PIO

Regional Peace & Order Council 4th Quarterly Meeting | November 17, 2023

Regional Peace & Order Council 4th Quarterly Meeting | November 17, 2023

Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan ang ginanap na 4th Quarter Regional Peace and Order Council Meeting sa Manila Marriott Hotel, Pasay City ngayong araw ng Biyernes, Nobyembre 17.

Bilang Chairperson ng nasabing konseho, nakipagtalakayan ang Gobernadora patungkol sa kinahaharap na isyu at suliranin ng mga lalawigan sa Region IV-A pagdating sa pagpapanatili ng kaligtasan at pamumuhay ng bawat mamamayan nito.

Magpapatuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng bawat kapulisan at kasundaluhan sa CALABARZON upang masigurong magiging maayos at payapa ang buong rehiyon.

Source: Quezon PIO