Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ng Bagyong Goring | August 27, 2023
Binabantayan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ang paggalaw at pinsalang maaaring idulot ng bagyong Goring sa lalawigan ng Quezon sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ngayong hapon ng Agosto 27.
Sa huling ulat ng DOST-PAGASA, nakataas na ang Signal No. 1 sa Polillo Group of Islands kung kaya naman agarang inatasan ni Governor Doktora Helen Tan ang PDRRMO at mga MDRRMOs na gawing mas agresibo ang pagmomonitor at pagbabantay sa lagay ng panahon lalong-lalo na sa mga pamayanang malapit sa coastal areas. Kanselado na ang lahat ng biyahe para sa mga sasakyang pandagat sa POGI Area at kalapit na lugar at puspusan ang pagbabantay ng Coast Guard para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero at mga lokal na mangingisda.
Nagbigay ng detalyadong ulat ng panahon si PDRRMO Head Dr. Melchor Avenilla, Jr. kung saan ay kanyang ipinaliwanag ang kasalukuyang paggalaw ng bagyo na naaapektohan ng isang malapit na Low Pressure Area at isang High Pressure Area sa nasasakupan ng bansang Taiwan. Sinundan ito ng pag-uulat ng kahandaan ng mga miyembro ng konseho kabilang ang PSWDO, Provincial Engineering Office, BFP, PNP, Coast Guard at mga punong bayan.
Bagamat walang nakataas na typhoon signal sa maraming bahagi ng lalawigan, patuloy pa rin ang malakas na pag-ulang dala ng bagyo na maaaring magdulot ng pagbaha, landslide at iba pang pinsala sa tao at ari-arian kung kaya’t pinag-iingat pa rin ang publiko. Inaasahang lalabas ang bagyong Goring sa Philippine Area of Responsibility sa Martes.
Manatiling ligtas.
Source: Quezon PIO