National Disaster Resilience Month Summit 2024 | July 09, 2024
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-36 National Disaster Resilient Month ngayong taon na may temang “Bantayog ng Katatagan at ang pagbubuklod sa Layuning Kahandaan,” isinagawa ngayong araw ng Martes, Hulyo 9 sa Quezon Convention Center, Lucena City ang kauna-unahang DRRM Summit sa lalawigan ng Quezon.
Sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na pinamumunuan ni Dr. Melchor Avenilla Jr., dinaluhan ang ginanap na programa ni Governor Doktora Helen Tan kasama si Office of the Civil Defense (OCD) CALABARZON Regional Director Carlos Eduardo Alvarez III.
Naibahagi naman ni Board Member John Joseph Aquivido na sa inisyatibo ni Board Member Vinette Alcala ay isinusulong na sa Sangguniang Panlalawigan ang tinatawag na “Disaster Code” na magiging batayang ligal ng bawat DRRMO gayundin ng iba pang uniformed personnel sa lalawigan para sa tuloy-tuloy at matatag na paggampan sa kanilang tungkulin.
Binigyang-diin din ang patungkol sa Magna Carta na pinagsusumikapan na maibigay ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga DRRMO upang masiguro na mayroon silang makukuhang benepisyo at sila’y mapoprotektahan habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin na mapanatiling ligtas at mapayapa ang kanilang nasasakupang komunidad.
Samantala, sa parehong araw ay kinilala at binigyang plake ang mga bayan at miyembro ng QPDRRMC bilang simbolo ng kanilang matibay na pagsuporta sa epektibong paresponde sa oras ng anumang sakuna.
Nagkaroon din ng symposium o talakayan na mapakikinabangan ng bawat dumalong DRRMO, gayundin ay nagbigay saya ang isinagawang raffle draw kung saan sila’y nakapag-uwi ng iba’t-ibang papremyo.
Source: Quezon PIO