
SPES Orientation & Life Skills Training | July 02, 2024
Upang makamit ang mithiing masuportahan ang mga estudyante na may kinahaharap na problemang pinansyal habang nag-aaral, ginanap ngayong araw ng Martes, Hulyo 2 ang Special Program for Employment of Students (SPES) Orientation & Life Skills Training sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO) ng lalawigan katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) Quezon Provincial Office.
Sa programang ito, makikinabang ang 100 na estudyante mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan gayundin ang 100 na estudyante mula sa lungsod ng Tayabas na dumalo via Zoom meeting, na papasok bilang SPES sa loob ng 20 araw.
Binigyang-diin ni DOLE Provincial Director Engr. Edwin T. Hernandez ang mahalagang kontribusyon ng pagkakaroon ng ganitong programa na nakatutulong sa mga estudyante upang matugunan ang kanilang pag-aaral.
Pinaliwanag naman ni PESO Manager Ms. Genecille P. Aguirre ang mga alituntunin at layunin ng programa. Lubos din ang kanyang pasasalamat dahil sa pagsuporta ni Governor Doktora Helen Tan ay maraming estudyante ang matutulungan na mabawasan ang kanilang pasanin pagdating sa edukasyon.
Samantala, nagkaroon din ng Life Skills Training na ibinahagi ng PESO kung saan ito’y may siyam (9) na modyul na nakatuon sa kung paano gagamitin ng mga estudyante ang kanilang kakayanan sa pagpasok sa SPES.
Source: Quezon PIO