
Niyogyugan Festival 2024 Opening Ceremony | August 09, 2024
NIYOGYUGAN NA!
TARA NA SA QUEZON!
Pormal nang binuksan ngayong araw, Agosto 9 ang masaya at makulay na pagdiriwang ng Niyogyugan Festival 2024 na pinasinayaan ni Governor Doktora Helen Tan at Provincial Tourism Officer Nesler Louies Almagro.
Ayon sa gobernadora, sa nakalipas na taon ay naging mas simple ang nasabing selebrasyon sa kadahilanan na rin ng epektong dala ng pandemya. Ngunit ngayong taon ay kapansin-pansin ang muling pagbabalik ng magagarbong disenyo ng agri-tourism booths na isa sa pangunahing atraksyon ng pagdiriwang.
Bahagi naman sa layunin ng Niyogyugan Festival ang maibida ang kultura, sining, at produktong mula sa mga bayan at lungsod sa lalawigan ng Quezon.
Gayundin ay binibigyang-diin ng selebrasyon ang kahalagahan ng bawat magniniyog na Quezonian, kung saan ay naibahagi na ang nakaraang 5% sales ng pagdiriwang noong 2023 ay inilaan sa isang foundation na magbubuo ng isang programa para sa mga magsasaka ng niyog.
Samantala, nagpakita ng pakikiisa sa pagsisimula ng nasabing pagdiriwang sina Department of Tourism IV-A Regional Director Maritess Castro, Vice Governor Third Alcala, 3rd District Congressman Reynan Arrogancia, board members ng Sangguniang Panlalawigan, mga punong tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan, mga punong bayan, at Provincial Directors ng iba’t-ibang ahensya.
Abangan ang iba pang mga aktibidad na inihanda at isasagawa para sa pagdiriwang ng engrandeng Niyogyugan Festival 2024 mula Agosto 9 hanggang 19.
Quezon PIO