Gov. Suarez, Pinarangalan Bilang Outstanding Governor


 

2014-08-11

 

 


Pinarangalan si Quezon Governor David "Jay-Jay" C. Suarez bilang Outstanding Governor sa CALABARZON sa larangan ng pagpapaunlad sa Agrikultura at Pangisdaan sa ginanap na Gawad Saka Regional Awarding Ceremony noong August 7, 2014 sa Calamba, Laguna.

 

Bukod dito, nakamit din ng lalawigan ng Quezon ang siyam na iba pang parangal sa Regional Gawad Saka kabilang ang Natatanging Provincial Agriculturist sa Pagtataguyod ng Gawad Saka sa CALABARZON kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo at Outstanding Gawad Saka Focal Person ng CALABARZON kay Cristina Lucila ng Office of the Provincial Agriculturist.

 

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, ang pagkakapanalo ng lalawigan ng Quezon sa mga pinakamatataas na pagkilala sa pangunguna ni Governor Suarez ay bunga ng patuloy na pagsisikap ng mga mangingisda at magsasaka sa patuloy na pagsuporta ni Governor Suarez na mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa lalawigan.

 

Ang mga pinarangalan mula sa lalawigan ng Quezon para sa indibidwal na kategorya ay sina Edwin Baladad ng Sariaya, Quezon bilang Outstanding Rice Farmer, Sancho Buncha ng Lungsod ng Lucena bilang Outstanding Corn Farmer, Rosalio Fulgar ng Pagbilao, Quezon bilang Outstanding Organic Farmer at Cesar Feria ng Tagkawayan, Quezon bilang Outstanding Coconut Farmer.

 

Para naman sa group category ang mga pinarangalan ay Talaan Rural Improvement Club ng Sariaya, Quezon bilang Outstanding RIC, Tayabas CAFC ng Lungsod ng Tayabas bilang Outstanding City Agricultural and Fishery Council at Tumbaga I Bucal Irrigators Ass. Inc. ng Sariaya, Quezon bilang Outstanding Small Farmers Organization.

 

Ang Gawad Saka ay nagsimula noon pang 1970 upang bigyang pagkilala at parangal ang mga indibidwal at samahang pang-agrikultura na nagpakita ng kahanga-hangang kontribusyon na nakatulong sa pag-angat ng sektor ng agrikultura sa bansa.

 

Sa lalawigan ng Quezon, isa sa tinututukan ng administrasyon ni Governor Suarez ang sektor ng agrikultura sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Agrikultura upang mapanatili ang maayos na suplay ng mga produktong pang-agrikultura at maiangat ang antas ng sektor ng agrikultura sa lalawigan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. & Training Unit)

 
 
BACK