Agricultural Inputs, Livestock at Farm Machineries Distribution Para sa Una, Ikalawa at Ika-apat na Distrito, Isinagawa


 

2017-11-06

 

 

Pinangunahan ng ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez sa pakikipagtulungan nina Department of Agriculture Regional Director, Engr. Arnel De Mesa ang pamamahagi ng mga agricultural inputs, livestock at farm machineries sa 119 na organisasyon ng mga magsasaka nitong ika-7 ng Nobyembre sa Quezon Agricultural Experimental Station, Lagalag, Tiaong. Aktibo ring nakiisa sina Alona Partylist Representative Anna Marie V. Suarez, Provincial Administrator Rommel Edaño Jr., Provincial Agriculturist Roberto Gajo, Provincial Veterinarian Dra. Flommel Caguicla at mga mayor mula sa una, ikalawa at ika-apat na distrito.

 

Ayon kay Gob. Suarez, ang ganitong uri ng aktibidad ay isa lamang sa mga pamamaraan ng pamahalaang panlalawigan upang ipadama sa mga magsasakang Quezonian ang kanilang pagmamalasakit at pagpapahalaga. Ikinatuwa rin niya ang aktibong pakikiisa ng mga punong-lungsod ng bawat bayan sa distribusyon ng mga kagamitan. Aniya, isa itong indikasyon na nagtutulungan at nagkakaisa ang kagawaran ng agrikultura, pamahalaang panlalawigan at ang mga lahat ng mga bayan upang patuloy na mapaganda ang takbo ng sektor ng agrikultura sa Quezon.

 

Ibinahagi naman ng gobernador ang nakatakda niyang pagbisita sa bansang Thailand ngayong linggo para sa United Nations on Food and Security Conference upang talakayin ang mga paksa na sasakop sa nutrition, food security at Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K na kasalukuyang ipinatutupad sa buong lalawigan. Ang nasabing programa ay patuloy na umaani ng pagkilala hindi lamang sa Pilipinas, ngunit pati na rin sa ibang bansa.

 

Batid ni Gob. Suarez na isa sa mga malaking problema na kinakaharap ng lalawigan sa ngayon ay ang malnutrisyon. Ang mga paksang kanyang nabanggit ay ilan lamang sa mga maaaring solusyon sa problemang ito, na pinaglaanan naman ng malaking pondo ng pamahalaang panlalawigan upang ito ay matugunan.

 

“Sa palagay ko, bilang mga magsasaka at mga namumuno sa mga kagawaran kailangan rin nating isipin ang mga pangangailangan ng mga kababayan natin. Hindi lang sapat na alam nating nakakakain sila ng tatlong beses sa isang araw, pag-aralan din natin kung ano ang kinakain ng mga kababayan natin sa loob ng isang araw na ito. As we address the problem of malnutrition, siguradong mas lulusog ang pangangatawan ng ating mga kababayan at mas magiging maunlad ang ating lalawigan.” ani Suarez. (Quezon – PIO)

 

 
 
BACK