Mga Bagong Bayani ng Quezon, Pinarangalan


 

2017-11-04

 

 

Kasabay ng paggunita sa ika-176 na taong kamatayan ni Hermano Puli na may temang “Ating Bayani, Ating Inspirasyon”, kinilala rin noong ika-4 ng Nobyembre ang 15 sa 26 na sundalong Quezonian na nagpamalas ng kanilang katapangan at kabayanihan sa pagharap sa Maute terrorist group sa lungsod ng Marawi.

 

Personal na pinasalamatan ng ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez ang kabayanihang ipinamalas ng mga sundalong Quezonian. Kasabay nito ay nagbahagi rin ang gobernador sa bawat isang sundalo ng halagang Php 30,000 at karagdagang Php 20,000 naman mula kay Minority FLoor Leader, Cong. Danilo Suarez. Aniya, ang mga halagang ito ay kulang pa sa mga sakripisyong ginawa nila dahil sila ay maituturing na tunay na inspirasyon ng lalawigan hindi lamang dahil sa ipinamalas nilang dedikasyon sa kanilang sinumpaang tungkulin ngunit handa rin silang isakripisyo ang kanilang buhay upang maipagtanggol ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.

 

Kabilang sa mga pinarangalan sina Sgt Marlon V Andrade, Cpl Aldin G Menes, Cpl Ronnie H Gesta, Cpl Jay A Javier, Cpl Cheryl E Ramirez, PFC Kevin C Ardonia, PFC Joshua P Avenilla, PFC Onofre Datario, PFC Joseph S Ferrer, PFC Jhon L Peralta, PFC John Michael R Vilar, PFC Nuclie Lee B Villasanta, PFC Ian Nicholo O Alles, PFC Rinuel P Avenilla at PFC Marlon V Dejoras.

 

Isa sa matagumpay na operasyon na isinagawa ng military ay ang OPLAN“LIBERATION”, combat clearing operations, at blocking and rescue operations kung saan naging bahagi ang grupo ng mga sundalong Quezonian. Isa na dito ay ang isinagawa nilang operasyon noong ika-16 ng Hunyo sa Brgy. Sarimanok, Marawi City kung saan matagumpay nilang nabawi ang isang 5.56mm M16 rifle, dalawang M16 long magazine, apat na M16 short magazine, apat na carbine magazine, 300 rounds 5.56mm ammo, 3 rounds cal 50 ammo, dalawang Icom handheld radios and bandoleers na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga nakatakas ng terorista.

 

Nagbahagi ng hindi maikakailang suporta ang mga pinarangalan sa nasabing operasyon na nagresulta ng tagumpay laban sa mga terorista.

 

Ayon kay Gob. Suarez, malaking karangalan para sa lalawigan na makasama ang mga bagong bayani sa natatanging araw na ito.

 

“They are some of the best that did not only do their job, but they were also willing to sacrifice their lives for freedom, for liberty and for peace, and this are our new heroes today.” pagtatapos ng gobernador. (Quezon – PIO)

 
 
BACK