Ika-176 Taong Paggunita sa Kamatayan ni Hermano Puli, Isinagawa


 

2017-11-04

 

 

Pinangunahan ng ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez kasama sina SOLCOM Commander, MGen Benjamin Madrigal Jr., Tayabas City Mayor Ernida Reynoso, at mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ang taunang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hermano Puli sa Brgy. Isabang, Tayabas City bilang paggunita sa kanyang ika-176 taon ng kamatayan na may temang “Ating Bayani, Ating Inspirasyon”.

 

Ayon kay Gob. Suarez, mahalagang bigyang pugay ang mga bayaning tulad ni Hermano Puli sa kadahilanang isa siya sa mga bayani na nanindigan para sa kanyang paniniwala na ang lahat ng mamamayan ay pantay-pantay anuman ang kanilang relihiyon o estado ng pamumuhay. Sa kanyang talumpati, ibinahagi ng gobernador ang kanyang munting karanasan kaugnay sa kabayanihan ni Puli at kung gaano kahalaga ang pagkakaisa sa isang samahan.

 

“Lahat tayo ay  bahagi ng isang samahan, ng isang grupo at kahit sa maliit na bagay, mayroon tayong responsibilidad na kailangan nating gampanan para sa ika-uunlad ng ating komunidad.” ani Gob. Suarez.

 

Isinalaysay naman ni Committee Chairperson, Atty. Gilbert Camaligan ang ilang mga kwento tungkol kay Hermano Puli at kung paano niya inaalay ang kanyang buhay para sa bayan. Ipinahatid rin niya ang kanyang pasasalamat sa mga nagsidalo upang personal na magbigay pugay sa bantayog ng bayani.

 

Samantala, nakatakda namang mangalap ng mga volunteers mula sa bawat sityo ng lalawigan para sa isinusulong na bagong samahan na tatawaging PULI o Provincial Union of Leaders against Illegality volunteers na tutulong upang siguraduhin ang kaayusan at kapayapaan sa lalawigan. (Quezon – PIO)

 
 
BACK