Provincial Accounting, Nag-ulat sa Flag Raising Ceremony


 

2017-11-06

 

 

Pinangunahan ng Tanggapan ng Tagatuos o Provincial Accounting ang isinagawang flag raising ceremony nitong nakaraang Lunes. Sa pag-uulat ng kanilang department head na si Evangelina Ong, ibinahagi niya ang ilan sa mga kasalukuyang programa at serbisyo na ipinatutupad sa kanilang tanggapan.

 

Aniya, patuloy na sumasailalim sa mga seminar ang mga kawani ng kanilang tanggapan upang masiguro ang mas mahusay at mabilis na sistema sa kanilang departamento tulad na lamang ng upgraded payroll system.

 

Ibinahagi rin ni Ong ang ilan sa mga benepisyo na maari na ring matanggap ng mga job order na empleyado tulad ng SSS, Pag-Ibig at Philhealth na higit na makatutulong sa kanila sa pamamagitan ng voluntary contribution. Ipinahayag rin niya ang patuloy na paghahanda ng kanilang opisina para sa pagpapabuti ng kanilang serbisyo bilang suporta sa Next 3, Best 3 years ng panunungkulan ni Goberador David C. Suarez.

 

Nagpasalamat naman si Chief of Staff, Webster Letargo sa mga nagsidalo sa kakatapos pa lamang na paggunita sa ika-176 na taon ng kamatayan ni Hermano Puli sa kanyang bantayog sa Tayabas City. Kasabay nito ay pinarangalan rin ang 15 sa 26 na sundalong Quezonian na nakipagsapalaran sa lungsod na Marawi upang panatilihin ang kapayapaan sa bansa.

 

Dagdag pa ni Letargo, nakatakda namang buksan sa publiko ang Block 1 ng Perez Park sa ika-4 ng Disyembre bilang parte ng selebrasyon ng Kapitolyo sa nalalapit na Kapaskuhan.

 

Samantala, nakatakda namang magtungo ang ama ng lalawigan sa bansang Thailand ngayong linggo upang dumalo sa isang international conference kung saan ibabahagi niya ang isa sa ipinagmamalaking programa ng lalawigan, ang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K. Kaugnay ng mga pagkilalang tinatamasa ng programang Q1K, kasalukuyan namang nasa bansang Taiwan sina Q1K Program Management Officer, Dra. Grace Santiago at Secretariat Tina Talavera upang ibahagi rin ang nasabing programa para sa World Hospital Convention.

 

Bilang pagtatapos, ipinahatid ni Letargo ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa bawat kawani ng pamahalaang panlalawigan sa kanilang iniaambag na serbisyo. Aniya, lahat ng empleyado ay mayroong mahalagang parte na ginagampanan upang makapagbigay ng mahusay na paglilingkod sa mga kapwa Quezonian sa ilalim ng administrasyong Suarez. (Quezon – PIO)

 
 
BACK