Pagkilala sa mga Indigenous People ng Quezon, Tinalakay sa Flag Raising Ceremony


 

2017-10-30

 

 

Kaugnay sa adhikain ng ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez na bigyang halaga ang mga yaman at historical landmark na matatagpuan sa lalawigan tulad ng Capitol Building at Perez Park, binibigyang importansya rin ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapaunlad sa mga Quezonian lalo’t higit ang mga kababayan nating katutubo sa pamamagitan ng tanggapan ng National Commission on Indigenous Peoples – Quezon. Ito ay alinsunod sa hangarin ng gobernador na mapangalagaan ang kultura ng mga katutubong Quezonian.

 

Kasabay ng isinagawang flag raising ceremony nitong Lunes, ipinagdiriwang rin ng mga IP ang ika-20 anibersaryo ng Indigenous Peoples Rights Act o IPRA na may temang “Empowering Indigenous Peoples Through the Years”.

 

Sa mensahe nina Community Development Officer III, Rosita Liwagon at National Commission on Indigenous People Provincial Director, Angelo Sallidao, lubos nilang pinasalamatan ang pamahalaang panlalawigan sa suportang ibinibigay nito sa kanilang komunidad. Anila, ang pagkakaroon ng bayanihan ay isang malaking susi upang patuloy na itaguyod ang antas ng pamumuhay ng mga katutubo ng Quezon.

 

Samantala, sinigurado naman ni Provincial Administrator Romulo Edaño Jr. ang isang daang porsyento na pakikiisa ng pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng suporta sa mga IP. Kabilang na dito ang programang Komprehensibong Aksyon sa Literasi, Lakang Pamayanan at Kabuhayan para sa Indigenous o Kalilayan IP na binubuo ng tatlong components; ang educational literacy, community development at livelihood o panghabuhayan na tutugon sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

 

Naniniwala si Edaño na ang mga kababayang katutubo ay nararapat lamang bigyang importansya dahil sila ang magsisilbing inspirasyon upang maging matagumpay ang mga mamamayan sa komunidad sa pamamagitan din ng pagpapayaman sa kanilang kultura, napapanatili natin ang ating pagkakakilanlan at napapangalagaan ang kolektibong kasaysayan ng Quezon. (Quezon – PIO)

 

 
 
BACK