PDC-PPOC at Provincial Anti-Drug Abuse Council Meeting, Isinagawa


 

2017-10-24

 

 

Pinangunahan ng ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez ang isinagawang Joint Provincial Development Council – Provincial Peace and Order Council – Provincial Anti-Drug Abuse Council Meeting kamakailan sa Bulwagang Kalilayan kung saan aktibong nakiisa ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga municipal mayors, mga opisyal mula sa sektor ng kapulisan at ilan pang kawani ng lokal na pamahalaan.

 

Pangunahing tinalakay sa nasabing pagtitipon ang Peace and Order and Public Safety Updates kung saan nakapaloob ang crime situation report at internal security situation ng lalawigan. Ayon kay Quezon Police Provincial Office PS/Supt. Rhoderick Armamento, simula noong buwan ng Enero hanggang Setyembre sa kasalukuyang taon bumaba ng 2.95% ang mga naitalang krimen ng carnapping, motornapping at robbery samantalang tumaas naman ng 5.34% ang traffic incident. Tumaas naman ng 61.01% ang crime solution efficiency rate at 49.10% naman ang itinaas ng crime clearance efficiency rate sa lalawigan.

 

Naging malaki rin ang resulta ng hakbang ng kapulisan sa war on drugs, kung saan umabot na sa 25, 097 ang naitalang drug surrenderees sa lalawigan. Sa kasalukuyan, idineklara na bilang drug cleared municipalities ang bayan ng Plaridel, Pitogo, Macalelon, Gen Luna at Quezon.  Ayon kay Armamento, kaalinsabay ng hakbang na ito ang programang Yakap Bayan at Project USAD na kapwa naglalayong bigyang suporta at gabay ang mga kababayang naligaw ng landas.

 

Samantala patuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pagsasagawa ng mga aktibidad na sumusuporta sa QPPO laban sa mga gawain tulad ng illegal gambling, illegal logging, at illegal fishing. Hangarin ni Gob. Suarez na tuluyang mapalaganap ang kaayusan sa Quezon at magkaroon  ng isang mapayapa at maunlad na lalawigan, sa tulong na rin ng mga komprehensibo at aktibong proyekto ng kanyang administrasyon alinsunod sa kanyang next 3 best 3 years ng panunungkulan.

 

Ipinahayag din ni Gob. Suarez ang kanyang pagnanais na bigyang pagkilala at papugay ang mga sundalong Quezonian na ipinadala sa lungsod ng Marawi. Aniya, nararapat bigyang pasasalamat ang mga sundalong ito dahil sa kanilang mga natatanging kontribusyon upang mapanatili ang kaayusan sa bansa.

 

Tinalakay rin sa pagpupulong ang ilan sa mga proyekto at budget na iminumungkahi ng ilang kawani mula sa Department of Public Works and Highways mula sa una, ikatlo at ikaapat na distrito. Ito ay para na rin magpatuloy ang tinatamasang pag-unlad ng lalawigan.(Quezon-PIO)

 
 
BACK