Agricultural Inputs, Livestocks at Farm Machineries, Ibinahagi sa Ikatlong Distrito


 

2017-10-18

 

 

Isinagawa kamakailan sa bayan ng Unisan ang pormal na pamamahagi ng mga agricultural inputs, livestocks at farm machineries sa ilang mga farm associations ng ikatlong distrito sa pangunguna ng ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor kasama sina Provincial Agriculturist Roberto Gajo,  Alona Partylist Representative Anna Marie V. Suarez at House Minority Floor Leader Cong. Danilo Suarez.

 

Ayon kay Gob. Suarez, ilan sa pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan kaugnay sa sektor ng agrikultura ay ang pagkakaroon ng dekalidad o quality seeds, irigasyon at mga farm to market roads na sa kasalukuyan ay mayroong pinakamalaking alokasyon ng Philippine Rural Development Project o PRDP na nakalaan para sa lalawigan.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng higit 30 na nagsidalong farm associations sa nasabing kaganapan kung saan ilan sa mga natanggap nilang kagamitan ay mga screen house and nursery establishment, pump and engine, shredder machine, multi tiller machine, corn mill, cassava pulverizer, granulator and grater, composting facility for biodegradable waste, rice reaper, hand tractor at small scale composting facility. Kasabay nito ay ang pamamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng 12 na kalabaw, baka, mga fertilizer at binhi sa mga bayang nagsidalo.

 

Dagdag pa ng gobernador, hindi tumitigil ang pamahalaang panlalawigan upang palakasin ang sektor ng agrikultura sa Quezon. Aniya, isa sa mga patunay na patuloy ang kaunlaran nito ay ang mga pagkilala mula sa Gawad Saka na tinatamasa ng lalawigan sa mga nagdaang taon hanggang sa kasalukuyan. Kaugnay nito ay nakatakda naman sa susunod na linggo ang pormal na pagtanggap ni Gob. Suarez ng kanyang pagkilala mula sa Gawad Saka bilang Regional Awardee Hall of Famer in Agriculture.

 

“Umasa po kayo na kung paano po tayo nag-umpisa ng maayos sa ating panunungkulan, sisiguraduhin ko pong mas maganda pa ang ating pagtatapos. Dahil ito po ang layunin ng Serbisyong Suarez, ang maiangat ang buhay ng bawat Quezonian.” ani Gob. Suarez. (Quezon – PIO)

 
 
BACK