Q1K Orientation para sa mga OB-GYN ng Quezon Medical Center, Isinagawa


 

2017-10-11

 

 

 

Upang patuloy na mapagtibay ang programang Quezon’s First 1,000 Days of Life sa lalawigan, isinagawa kamakailan sa Quezon Medical Center ang isang orientation kasama ang Q1K technical working group at ilan sa mga obstetrician-gynecologist o ob-gyn ng nasabing ospital na pinangunahan ni Chief of Hospital, Dr. Rolando Padre, bilang Director ng nasabing ospital at Dra. Conie Imperial, head ng OB-GYN Department.

 

Ayon kay Dr. Padre, isang magandang uri ng pamamaraan ang nasabing orientation upang mas mabigyang linaw ang tunay na layunin ng programang Q1K. Dagdag pa niya, ang pagpupulong na ito ay makabubuti hindi lamang sa programa ngunit higit lalo sa serbisyong ibinibigay ng mga ob-gyn sa kanilang mga pasyente.

 

Samantala, tinalakay naman ng Q1K technical working group ang ilan sa mga hangarin ng programa at ang mga hakbang na isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng isang ina at sanggol sa pamamagitan ng tatlong pangunahing punto ng programa; ang health and sanitation ,food and nutrition, at social care.

 

Ilan sa mga naging paksa sa pagpupulong ay ang wastong proseso ng implementasyon ng programa mula sa mga bayan hanggang sa makarating ito sa ospital. Ibinahagi rito ang kahalagahan ng Q1K Mama Book na ibinibigay sa mga buntis kung saan matatagpuan ang pregnancy records ng mga ina na kailangan  ng mga doktor mula sa kanilang unang check up hanggang sa kanilang panganganak.

 

Sa pagtatapos ng pagpupulong, napagkasunduan ng lahat na wastong koordinasyon at pagtutulungan ang susi upang maisakatuparan ng matagumpay ang programa at maisagawa ang pangunahing hangarin ng programa na wasto at ligtas na pagbubuntis.

 

Pormal nang ipinatutupad ang programa sa buong lalawigan at inaasahan pa ang pagsasagawa ng ilang mga proyektong nakatutok sa kalusugan mula sa pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gob. David C. Suarez. (Quezon-PIO)

 
 
BACK