Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo, Nanguna sa Flag Raising Ceremony


 

2017-10-09

 

 

Pinangunahan ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ang isinagawang flag raising ceremony nitong nakaraang Lunes kung saan tinalakay ng kanilang department head na si Dra. Flomel Caguicla ang ilan sa mga isinasagawang aktibidad ng kanilang tanggapan.

 

Ayon kay Dra. Caguicla, patuloy ang kanilang tanggapan sa pangangalaga ng kalusugan ng mga alagang hayop at pagpapaunlad sa industriya ng paghahayupan sa lalawigan. Isa sa mga isinasagawang serbisyo ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ay ang libreng anti-rabies and deworming vaccination para sa mga aso at pusa sa harap ng Kapitolyo tuwing araw ng Lunes. Araw-araw ding ipinatutupad ang ganitong serbisyo sa kanilang klinika na matatagpuan sa Brgy. Talipan, Pagbilao.

 

Sa susunod na linggo ay isasagawa naman ang Meat Safety Consciousness Week mula ika-16 hanggang ika-20 ng Oktubre sa pangunguna pa rin ng ng Panlalawigang Beterinaryo upang bigyang pansin ang pagkakaroon ng malinis at ligtas na karne sa lalawigan.

 

Kinilala naman ni Provincial Administrator Romulo Edaño, Jr. ang pagsusumikap ng nasabing tanggapan upang tuluyang puksain ang nakamamatay na sakit na rabies sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng responsible pet ownership sa bawat bayan sa lalawigan alinsunod sa layunin ng bansa na maging rabies-free country ang Pilipinas sa taong 2020. Sa kasalukuyan ay nakapagdeklara na bilang rabies-free municipality ang bayan ng Alabat, Perez at Quezon noong mga nakaraang taon.

 

Samantala, iniulat naman ni Edaño ang kakatapos pa lamang na annual budget hearing ng iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan. Gayundin ay ibinahagi niya ang isa pang karangalan na matatanggap ng lalawigan na Seal of Good Financial Housekeeping.

 

Dagdag pa ni Edaño, inaasahan na ang paglabas ng resulta ng Seal of Good Local Governance sa mga darating na linggo. Dito, bibigyang parangal ang pamahalaang panlalawigan para sa mga isinasagawa nitong proyekto sa ilalim ng pamumuno ni Gob. David C. Suarez. Ayon kay Edaño, ang pagkilalang ito ay hindi lamang  resulta ng punong ehekutibo ngunit ito ay dahil rin sa mga pagsisikap ng bawat isang empleyado na gumagampan sa kani-kanilang tanggapan. (Quezon-PIO)

 
 
BACK