Mga Atleta Mula sa Iba’t-Ibang Panig ng Bansa, Nagtagisan sa Ikalawang Niyogyugan Triathlon 2017!


 

2017-08-20

 

 

Muling nagtagisan ang mga atleta mula sa lalawigan ng Quezon at mga karatig na lalawigan para sa ikalawang Niyogyugan Festival Triathlon event noong ika-20 ng Agosto sa pangunguna ng Provincial Administrator’s Office sa ilalim ng pamamahala ni PA Rommel Edaño Jr at sa patnubay ng ama ng lalawigan Gob. David C. Suarez.

 

Dinaluhan ng higit 100 na atleta ang nasabing kaganapan mula sa loob at labas ng lalawigan tulad ng Laguna, Cavite, Manila, Rizal, Naga, Valenzuela at iba pa. Ang paligsahan ay nagmula sa Alcala Sports Complex patungo sa Provincial Capitol kung saan nagtagisan sa paglangoy, pagbibisikleta at pagtakbo ang mga kalahok. Ang kaganapan ay nahati sa dalawang kategorya – open category para sa mga atletang mula sa labas ng Quezon at ang kategorya naman para sa mga Quezonian – na sumubok sa bilis, liksi at katatagan ng mga atleta.

 

Bukod sa pisikal na kompetisyon, nagdagdag rin ng bagong atraksyon ang nasabing patimpalak, ang best in costume competition kung saan ang kasuotan ng mga kalahok ay mayroong material na mula sa Niyog na sumisimbolo sa nasabing pagdiriwang.

 

Lubos naman ang pasasalamat ni PA Edaño sa mga nakibahagi sa triathlon event ng laalwigan bilang bahagi ng selebrasyon ng Niyogyugan Festival 2017.

 

“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa mga nag-participate sa masaya at masigla nating pagdiriwang ng Niyogyugan Festival sa pamamagitan ng triathlon na ito. Nagpapasalamat rin po ako sa mga organizers, sa lokal na pamahalaan, sa mga nagsidalo at sa ating ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez. Naniniwala po ako na matatapos natin ng masaya ang aktibidad nating ito.” ayon kay PA Edaño. (Quezon – PIO)

 
 
BACK