Programang Pangkabuhayan, patuloy na hatid ng Serbisyong Suarez sa mga kabataan


 

2017-07-01

 

 

 

Bahagi ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura ang matulungan ang mga kabataan sa larangan ng paghahanap-buhay gamit ang iba’t-ibang sektor nito. Isa na dito ang pagkakaroon ng mga pagsasanay gaya ng corn husk handicraft making, t-shirt printing, marketing at book keeping na isinagawa noong ika-20 at ika-22 ng Hunyo sa mga miyembro ng Quezon Young Farmers Federation (QYFF) sa pangunguna ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor (OPA) sa OPA Conference Hall, Brgy. Talipan, Pagbilao, Quezon.

 

Layunin nito na mabigyang gabay ang mga kabataan ukol sa paghahanap-buhay lalo’t higit sa larangan ng agrikultura upang maisulong sa mga ito ang pagiging isang agri-entreprenuer.

 

Tinalakay ng mga tagapagsanay ang mga paksa ukol sa silk screen printing, photographic silk screen printing, paggawa ng handicrafts mula sa balat ng mais at mga puntos ukol sa wastong pamamaraan ng pagmemerkado at pagtatala ng gastos, kinita at daloy ng pera.

Nagsilbing tagapagsanay sina Gng. Krizel B. Venezuela, G. Kirby Venezuela, G. Elmer Jamilano, miyembro ng 4H at Bb. Angel Florante, OPA Extension Staff.

 

Dinaluhan ng mga miyembro mula sa District 1, 2 at 4 ang unang araw ng pagsasanay at District 2 at 3 naman ang ikalawang araw. Naging matagumpay ang nasabing aktibidad sa pagtutulungan ng mga kawani mula sa OPA Extension Division sa pangunguna ni Gng. Anna Pamela Agudilla at sa patnubay ni G. Roberto D. Gajo, Provincial Agriculturist. (OPA Info Unit / Quezon PIO)

 
 
BACK