30 Magsasaka sa Quezon, Sumailalaim sa Pagsasanay Ukol sa Pagpapa-unlad ng Produksyon ng Mangga


 

2017-07-01

 

 

Sumailalim kamakailan ang tatlumpong (30) magsasaka sa isinagawang pagsasanay ukol sa Technology Demonstration on Harvesting of Mango sa Mangarey Farm, Masalukot I, Candelaria, Quezon sa pangunguna ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor (OPA) katuwang ang Pamahalaan ng Lalawigan ng Quezon.

 

Layunin ng nasabing gawain ang mapaunlad ang produskyon ng mangga sa lalawigan tungo sa adhikaing matulungan ang mga magsasaka nito na magkaroon ng malawak na produksyon at mataas na kita na tutugon sa kanilang pangangailangan.

 

Ibinahagi ni G. Ferdinand A. Pio, Purchasing Manager ng KLT Fruits, Inc., ang mga puntos na isinasaalang-alang ng isang kumpanya sa pagkuha ng mga produksyon ng mangga gayundin ang mga oportunidad sa pagkakaroon ng merkado sa loob at labas man ng bansa pagdating sa demand nito.

 

Alinsunod dito ay isinagawa rin ang pagpupulong ng Quezon Mango Growers Association ukol sa pagsasaayos ng mga asosasyon sa bawat bayan gayundin ang mga plano at programang nais simulan ng mga ito.

 

Ipinakita rin ni G. Armando Ruel ang wastong paraan ng pag-aani ng mangga tungo sa mataas na produskyon nito.

 

Dinaluhan ito ng mga kinatawan at opisyales mula sa iba’t-ibang Municipal Mango Growers Association ng lalawigan, kabilang ang ilan sa mga kawani mula sa OPA-Support Facilities Division. (OPA Info Unit / Quezon PIO)

 
 
 
BACK