Provincial Day Care Workers’ Convention, Ginanap sa Lucena City


 

2017-06-22

 

 

Bilang selebrasyon para sa provincial day care worker’s week na may temang “Sa Dekalidad na Child Development Worker, Bata ang Panalo!”, isinagawa kamakailan ang taunang Provincial Day Care Workers’ Convention sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office sa suporta ni Alona Partylist Representative, Congw. Anna Marie V. Suarez at ama ng lalawigan Gov. David C. Suarez.

 

Matagumpay na idinaos sa Quezon Convention Center, Lucena City ang nasabing pagtitipon kasama ang higit isang libong day care workers mula sa iba’t-ibang bayan sa buong lalawigan.

 

Binigyang-pugay naman ni Congw. Anna Marie V. Suarez ang mga sakripisyong ginagawa ng mga day care workers para sa kanilang walang katumbas na dedikasyon sa kanilang trabaho.

 

“You are the epitome of faith, hope and selfless love, Gov. and I value your role in our community. You will always be my number one priority.” pahayag ni Congw. Suarez. Naniniwala ang konggresista na malaki ang sakripisyong ginagawa ng mga day care workers sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay upang matustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga estudyante.

 

Kaugnay nito, ibinahagi ni Congw. Suarez ang ilan sa mga proyektong isasagawa niya na may kaugnayan sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa lalawigan. Ilan sa mga ito ay ang personal niyang pamamahagi ng mga school materials sa iba’t-ibang munisipalidad at summer training program para sa lahat ng mga day care workers sa susunod na taon. Masaya ring ibinalita ng konggresista ang nalalapit ng pagtatayo ng super day care center sa bayan ng Polilio at Unisan.

 

“This project is not only to improve the materials and facilities that we have, but to bring a comprehensive change in our education system with the quality of the teachers we have.” pagtatapos ng konggresista.

 

Dumalo rin sa nasabing pagtitipon si DSWD ASec. Jose Antonio Hernandez.  Ayon kay ASec. Hernandez, ang pag-unlad ng komunidad ay higit na nakasalalay sa mga manggagawang tulad ng mga day care workers. Ngunit sa kabila nito ay mahalaga pa rin ang wastong pagpapalaki at pagpapayo mula sa mga magulang sa kanilang mga anak.

 

“Hanga po ako sa inyo, dahil bilang isa ring guro, alam ko na kayo ay mga huwaran. Hindi sapat ang magagandang proyekto lamang, ang pag-unlad ng komunidad ay nasa kung paano natin tinuturuan ang kabataan. Lahat ng ginagawa niyo ngayon ay para sa susunod na henerasyon. Kailangan nating magtulungan para sa kaunlaran ng bayan.” ayon kay ASec. Hernandez.

 

Samantala, lubos namang sinuportahan ni Gob. David C. Suarez ang mga proyektong nakatakdang isagawa sa lalawigan para sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon.

 

“Mahalaga ang training, we can have the best buildings, books and facilities, pero kung hindi sabay ang training ng workers hindi mamamaximize ang full potential na pwedeng maibigay sa mga bata. Napakalahaga po ng papel na ginagampanan niyo para siguraduhin ang pundasyon ng mga bata ay maganda. Ito ang isa sa mga rason kung bakit natin inumpisahan ang Quezon’s First 1.000 Days.” pahayag naman ni Gob. Suarez ukol sa isasagawang summer training ng mga day care workers sa darating na taon.

 

Kaugnay naman ng programang Q1K ay inanunsyo ng gobernador ang opisyal na paglulunsad ng nasabing programa sa buong lalawigan sa darating ng Hulyo alinsunod sa selebrasyon ng Provincial Nutrition Month. 

 

Kinilala rin at binigyang parangal sa nasabing kaganapan ang mga natatanging day care workers ng lalawigan mula sa iba’t-ibang distrito kasabay ng panunumpa ng mga newly elected officers ng provincial at municipal social workers at pamamahagi ng Food Cart ni Juana sa mga piling miyembro ng Rural Improvement Club.

 

Kaugnay nito ay ibinahagi naman ng ama ng lalawigan ang ilan sa mga proyektong isasagawa pa sa ilalim ng kanyang administrasyon. Kabilang rito ay ang massive infrastructure development program mula 2017-2020, farm to market roads, convention centers at pagtatayo ng Southern Luzon State University sa mga piling bayan, extension ng south expressway mula sa Batangas hanggang Lucena at pagsasagawa ng mga special economic zone sa ilang bayan.

 

“We have a bright future as a country. But we must not forget, in building that future, it is essential that we work everyday, and those building blocks are the daycare workers of our province. You secure the future to Quezon province, and we will work continuously with you, tirelessly with you, kami ni Congw. Anna ay makikiisa sa pagpapalago, pagpapalakas at pagpapaganda ng day care service ng lalawigan ng Quezon dahil lahat po ng ito ay para sa mga mamamayan na ating pinaglilingkuran.” ayon kay Gob. Suarez.  (Quezon-PIO)

 
 
BACK