Quezon Provincial Malaria Summit, Isinagawa sa Lucena City


 

2017-06-09

 

 

Alinsunod sa pagdiriwang ng World Malaria Day, kamakailan ay nagsagawa ang lalawigan ng Quezon ng isang Malaria Summit na ginanap sa Kalilayan Hall, Lucena City sa patnubay ng ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez.

 

Kasama ang iba’t-ibang kawani ng health departments at mga medical personnels, ginanap ang nasabing pagtitipon upang magbigay ng mga karagdagang impormasyon sa sakit na Malaria at mga kasalukuyang datos ng karamdamang ito sa lalawigan.

 

“We are going to end Malaria for good! I believe with this, we can all fulfill our purpose in life.” paniniwala ni Committee on Health Chairperson, Board member Beth Sio. Aniya, sa pamamagitan ng tulungan sa pagitan ng mga mamamayan at mga medical personnels, tuluyan nang matutuldukan ang pagkalat ng nasabing karamdaman sa lalawigan.

 

Ayon naman kay Quezon DOH Officer, Dr. Juvy Paz Purino, mahalaga ang maigiting na pananaliksik sa mga munisipalidad upang magkaroon ng sapat na datos ukol sa Malaria. Aniya, ang pagtutulungan ng kapwa Quezonians ang mahalagang bahagi ng pagsugpo sa nakamamatay na sakit upang maideklara ang lalawigan bilang Malaria-free province.

 

Ayon naman kay Technical Services Division OIC, Dr. Tiong Eng Ronald Tan, hangarin ng IPHO ang zero Malaria case status ng lalawigan sa taong 2019. Ibinahagi rin niya ang ilan sa mga major activities na isinagawa ng IPHO sa taong 2015 at 2016, gayun rin ang mga susunod na hakbang ng tanggapan para sa kasalukuyang taon.

 

Isinagawa rin sa nasabing pagtitipon ang awarding ceremony ng mga best practices mula sa mga munisipalidad ng lalawigan na nagsasagawa ng magagandang gawain o programa upang maiwasan ang sakit na Malaria. Ilan sa mga bayan na binigyan ng pagkilala at parangal ay ang bayan ng Panukulan at Real, Quezon.

 

Ang Quezon Provincial Malaria Summit ay kaagapay ng hangarin ng ama ng lalawigan Gov. David C. Suarez na tutukan ang mga programang magbibigay suporta sa kalusugan ng mga mamayan lalo’t higit sa pagpuksa ng sakit na Malaria sa lalawigan. Suportado rin niya dito ang lahat ng mga kagamitang pang-medikal at serbisyong kakailanganin para sa nasabing programa. (Quezon – PIO)

 
 
 
BACK