PPAN 2017-2022, inilunsad upang labanan ang malnutrisyon sa bansa


 

2017-05-08

 

 

Bilang aksyon sa pag-unlad ng nutrisyon sa bansa, sa pangunguna ng National Nutrition Council (NNC), key national at local stakeholders at kasama rin ang mga piling Information Officers at media partners ng bansa, pormal nang inilunsad kamakailan sa publiko ang Philippine Plan of Action for Nutrition o PPAN 2017-2022 sa Iloilo City.

 

Pinamunuan ni Health Secretary at NNC Governing Board Chair Paulyn Jean B. Rosell-Ubial kasama ang iba pang kawani ng Governing Board ang ceremonial turn-over ng PPAN 2017-2022 sa Iloilo kasama ang Chair of the Provincial Nutrition Committee at Gobernador ng lalawigan na si Gob. Arthur D. Defensor, Sr. Kabilang ang lalawigan ng Iloilo sa 38 na pangunahing lugar na kasama sa programa ng PPAN na mayroong malaking bilang ng stunted o bansot na kabataan.

 

“The Department of Health is a major player in the PPAN, but we must all appreciate that nutrition is not just a problem of the health sector but a problem of all of us. The PPAN plan document should be the music sheet of nutrition to enable everyone to play the symphony of nutrition improvement in harmony and with great bravado.” ito ang pahayag ng keynote speaker na si Secretary of Health at Chair ng NNC Governing Board na si Dr. Paulyn Jean B. Rosell-Ubial kaalinsunod ng paglulunsad ng Philippine Plan Action for Nutrition 2017-2022.

 

Naniniwala si Ubial na ang PPAN ang magsisilbing pundasyon ng hinaharap para sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino. Binigyang-diin niya rin ang negatibong epekto na dulot na malnutrisyon sa bansa. Ayon sa kanya, mahalagang matuldukan na ang suliraning ito ngayon pa lamang upang hindi na ito maulit pa sa hinaharap.

 

Sa paglalahad naman ni Assistant Secretary of Health at NNC Executive Director, Maria-Bernardita T. Flores ng PPAN 2017-2022, ipinahayag niya ang kanyang pagnanais na tanggapin hindi lamang ng mga nutrition implementers ang nasabing  programa, ngunit higit ay tanggapin ito ng sambayanang Pilipino. Inaprubahan ng NNC Governing Board ang nasabing programa sa  kanilang unang pagpupulong na ginanap nitong ika-21 ng Pebrero. Kaalinsunod ito ng hangarin ng NNC na malinang ng publiko ang pagpapahalaga sa nutrisyon lalo na ang mga Local Government Units (LGUs) sa pagbuo ng kanilang political at development agenda.

 

Binigyang pansin rin sa nasabing pagtitipon ang pagtatanghal ng walong nutrition specific at nutrition-sensitive programs ng PPAN. Isa itong paraan upang maipakita sa mga nagsidalo  ang iba’t-ibang pangunahing suliranin sa nutrisyon at ang mga solusyong isasagawa sa pamamagitan ng PPAN.

 

Ang PPAN ang magsisilbing kontribusyon ng bansa para sa pagtamo ng Sustainable Development Goals (SDGs) ng United Nations, partikular na sa SDG 2 na naghahangad tuldukan ang pagkagutom, makamit ang seguridad ng pagkain at paunlarin ang nutrisyon at itaguyod ang maunlad na agrikultura. Dagdag pa rito, layunin rin ng PPAN 2017-2022 na suportahan ang World Health Assembly Global Targets upang mas paunlarin pa ang maternal, infant and young child nutrition sa taong 2025.

 

Ang PPAN project ay isang results-based plan na idinesenyo upang mabawasan ang bilang ng pinagmumulan ng malnutrisyon gaya ng wasting, stunting o pagkabansot, micronutrient deficiencies, overweight at obesity sa bansa. Binuo ang nasabing programa base sa landscape situational analysis of nutrition sa bansa na nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng bilang ng iba’t-ibang uri ng malnutrisyon.

 

Bilang susi sa pagkamit ng kaunlaran sa nutrisyon, ang pangunahing istratehiya na pagtutuunang-pansin ng PPAN ay ang First 1,000 Days of Life program, complementation of nutrition-specific and nutrition sensitive programs, intensified mobilization of local government units and reaching Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) at mga komunidad ng ilan sa mga katutubo.

 

Ang malnutrisyon ay higit na nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa na nagresulta sa kawalan ng halos Php 328 billion noong 2013 dahil sa child stunting na higit na nakakaapekto sa kanilang pag-aaral at nakakabawas sa kanilang kakayanang maging produktibong indibidwal.

 

Ilan sa mga nais pagtuunang-pansin ng PPAN project ay ang mga sanhi ng malnutrisyon ng kabataan gaya ng kakulangan sa pagkain at nutrisyon, hindi angkop na pag-aalagang nakukuha sa mga magulang at komunidad, at ang mga nakakahawang sakit na maaring makuha sa kanilang lugar. Ito ang mga bibigyang-diin ng programa  sa pamamagitan ng mga nutrition-sensitive programs. Isasagawa ang mga programang ito sa pamamagitan ng masinsinang pagkilos ng mga LGUs kabilang ang capacity-building and mentoring on nutrition and management.

 

Nagkaroon rin ng action plan activity para sa mga regional media group na nasa pagtitipon na naglalayong gawan ng aksyon ang nasabing programa at kung paano ito higit na makakatulong sa kani-kanilang bayan. (Quezon – PIO)

 
 
BACK