RIC Food Cart Beneficiaries, Nagsipagtapos sa Kurso ng Pagsasanay Para sa Food Processing at Food Cart Management


 

2017-04-03

 

 

Sa tulong ni Congw. Anna Marie Villaraza-Suarez ng Alona Partylist at sa suporta ni Gob. David C. Suarez ay matagumpay na nagsipagtapos ang 46 na food cart beneficiaries mula sa Rural Improvement Club (RIC) sa isinagawang Kurso ng Pagsasanay para sa Food Processing at Food Cart Management, kamakailan, sa Setronh Pangkabuhayan Bldg. Pagbilao, Quezon, sa pangunguna ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor (OPA), Extension Division.

 

Layunin nito na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga benepisaryo ukol sa wastong pamamahala ng isang negosyo gamit ang food cart at sa paggawa ng iba’t-ibang uri ng produkto na maaaring pagkakitaan. Gayundin, upang isulong ang pagmemerkado ng mga masusustansyang pagkain sa lalawigan.

 

Sa loob ng apat na bahagi ng pagsasanay, masusing tinalakay ng mga tagapagsanay ang mga paksa ukol sa pagproseso ng karne at isda, paggawa ng kakanin at iba’t-ibang uri ng pagkain gaya ng pineapple tart, ube pie, puto, pitchi-pitci, banana cake at camote donut. Nagkaroon din ng hands-on demonstration sa paggawa ng iba’t-ibang klase ng inumin gaya ng buko pinya, camote tops juice, ginger lemon grass pandan, calamansi concentrate at iba pa.

 

Nagsilbing tagapagsanay sina Gng. Marianita V. Bunyi, OPA – Food Processing and Livelihood Center Head at G. Leo Ramos mula sa OPA – Info Unit. (OPA – Info Unit / Quezon – PIO)

 
 
BACK