Provincial Launching ng MASA MASID Program, Matagumpay na Isinagawa sa Lucena City


 

2017-04-03

 

 

Lucena City, Quezon. Alinsunod sa adhikain ni Pangulong Rodrigo Duterte sa malawakang pagpuksa ng droga at krimen sa bansa, inilunsad kamakailan sa lalawigan ng Quezon ang launching ng programang “Mamamayang Ayaw Sa Anomalya, Mamamayang Ayaw Sa Iligal na Droga” o MASA MASID cum Quezon Anti-Illegal Drugs Summit. Nanguna sa nasabing pagtitipon ang mga opisyal mula sa DILG, PDEA at PNP sa pakikipagtulungan ni Gob. David C. Suarez at mga punong-bayan ng iba’t-ibang munisipalidad ng lalawigan.

 

Sa pambungad na pananalita ni DILG Provincial Director, Lionel Dalope, masaya niyang pinasalamatan ang mga opisyal na patuloy ang suporta sa programa. Pinasalamatan rin ni Dalope ang matagumpay na pagtatapos ng Q1K Summit kamakailan na pinaniniwalaan niyang mayroong malaking maitutulong sa MASA MASID program sa hinaharap.

 

Samantala, ayon naman kay DILG Regional Director (CALABARZON), Manuel Gotis, isinagawa ng DILG ang nasabing programa upang matulungang tugunan ang hamon ng droga sa tulong ng mga programa, mga boluntirs at iba pang ahensya ng gobyerno upang mas madaling matulungan ang mga kababayang nalulong dito.

 

“Napakahalaga po para sa akin ng MASA MASID, dahil ang nakasalalay dito ay ang katahimikan ng isang pamilya para rin sa katahimikan ng komunidad. Dahil ang kaunlaran ng isang bansa ay mula sa human resource. Mahalaga na pumosisyon na tayo sa kaunlaran ng mundo. Kailangan natin magtulungan to bring this program to a successful conclusion.”ayon kay Gotis.

 

Malugod namang kinilala ni Gob. David C. Suarez ang ilan sa pangunahing munisipalidad na idineklarang drug-cleared municipality sa lalawigan, kabilang ang munisipalidad ng Pitogo, Plaridel, Macalelon at General Luna. Lubos na ikinatuwa ng gobernador ang malawakang suporta at aktibong partisipasyon ng iba’t-ibang punong-bayan at munisipalidad upang wakasan ang hamon ng droga.

 

“The war doesn’t end in just apprehending and catching the personalities. We have to make sure that they pay for the crime they made. Bilang mga opisyal ng gobyerno, we took an oath that we will protect the people that elected us. Let this be a constant reminder to us why we need to fight for the people we serve. We are currently doing good in fighting against drugs here in Quezon Province, but I believe we can do better.” mungkahi ni Suarez.

 

Ipinakilala rin sa nasabing pagpupulong ang mga brand ambassadors ng Anti-Illegal Drugs Campaign na sina Kapitan Usad at SP01 Quezon.

 

Sinang-ayunan naman ng isa sa mga panauhing tagapagsalita na si DILG Regional Office, LG002 Lady Jessie Kanaong ang talumpati ni Gob. Suarez ukol sa taos-pusong suporta ng lalawigan sa programa. Binigyang-diin ni Kanaong ang pangunahing layunin ng programa na naglalayong hikayatin ang mga mamamayan na mag-boluntir sa pakikibahagi upang sugpuin ang droga, korapsyon at kriminalidad sa mga komunidad. Ayon sa kanya, ito ang magsisilbing instrumento sa pagsawata ng droga o katiwalian sa barangay upang makalikha ng isang lipunang may malasakit sa kapwa.

 

Ipinaliwanag naman nina Provincial Director – PNP QPPO, PSSUPT Rhoderick Armamento ang Anti-Illegal Drugs Campaign Project Double Barrel at Project Tokhang ng PNP na naglalayong tuldukan ang laban sa droga at mabawasan ang bilang ng mga drug personalities sa bansa.

 

“Wag na po tayong magsawalang-kibo. Hindi po namin kakayanin ang lahat ng ito ng mag-isa, napakagandang programa ng MASA MASID upang pagsama-samahin ang efforts nating lahat. Nakasalalay sa ating lahat ang tagumpay ng proyektong ito. Ito na po siguro ang pagkakataon natin para ipakita ang malasakit sa ating bayan at lalawigan. Pagsama-samahin po natin ang ating pwersa upang mawalis ang basurang droga.” mungkahi ni Armamento.

 

Lumahok rin sa pagtitipon si PDEA RPIO Chief, Preventive Education and Community Involvement, Mary Ann Mahilom Lorenzo na nagbahagi naman ng mga programa ng PDEA laban sa droga sa pakikipagtulungan ng iba pang kawani ng gobyerno at kung paano maging isang boluntir ng MASA MASID program.

 

Nagtapos ang nasabing pagtitipon sa talumpati ni Quezon Chapter – LMP President, Hon. Fernando Llamas, kung saan ibinahagi niya na mas lumawak pa ang kanilang kaalaman tungkol sa mga programang dapat ipatupad sa mga munisipalidad upang mapuksa ang droga.

 

“Nais po natin na ma-clear ang droga sa mga barangay. Naniniwala po ako na kapag nagkaisa ang lahat ay walang imposible upang maisakatuparan ang panawagan ng lokal na pamahalaan.” ani Llamas. (Quezon – PIO)

 
 
BACK