Coco Twining/Weaving Production Project, Inilunsad sa Quezon


 

2016-05-12

 

 

Sa patuloy na pagpapaunlad ng sektor ng Agrikultura partikular sa produkto ng niyog sa lalawigan ng Quezon ay inilunsad ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ang proyektong Coconut Twining/Weaving sa bayan ng Candelaria, kamakailan.

 

Ayon kay Redempta Querubin, Chief Coconut Development Division na ang nasabing proyekto na nasa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultra na isa sa pangunahing tinututukan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay ipinagkakaloob sa mga samahan ng manggagawa sa niyugan na may 35 kasapi upang makatulong at dagdag pagkakakitaan.

 

Nagkaloob ang Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo ng apat (4) na bicycle type na makakatulong mapabilis ang paglulubid ng coco fiber.

 

Dagdag pa ni Querubin na malaking tulong ito sa bawat pamilyang magniniyog sa dahilang ang buong pamilya ang makakatuwang sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.

 

Ayon pa kay Querubin na ang proyektong ito ay maaaring madagdagan pa depende sa kaunlarang maidudulot nito sa bawat pamilya.

 

Samantala, sa naging panayam kay Lea Manalo, solo parent at may anim (6) na anak, noong wala pang ibinababa na ganitong proyekto sa kanilang samahan, ang tangi lang niyang ikinabubuhay sa kanyang mga anak ay ang paglalabada at hindi sapat ang kanyang kinikita para sa pang-araw-araw na gastusin.

 

Kaya naman labis ang tuwa at pasasalamat niya sa pamahalaang panlalawigan dahil simula ng siya ay naglulubid katuwang ang kanyang mga anak ay hindi na nila pinoproblema ang pambili ng bigas araw-araw sapagkat kumikita sila ng P85-P150 kada araw. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK