Libreng operasyon para sa higit 130 na pasyente, isinagawa sa Lopez, Quezon


 

2018-02-05

 

 

Higit 130 pasyente ang nabigyan ng libreng operasyon nitong ika-30 ng Enero hanggang ika-2 ng Pebrero sa pamamagitan ng isang surgical mission na isinagawa sa Magsaysay Memorial District Hospital - Lopez, Quezon.

 

Para kay Chief of Hospital, Dr. Wilson Rivera, malaking tulong sa kanyang mga kababayan sa ika-apat na distrito ang surgical mission na isinagawa sa kanilang bayan. Pinasalamatan rin niya si Gob. David C. Suarez sa inisyatibong ginawa ng kanyang adiministrasyon para sa mga kababayan niyang nangangailangan ng agarang operasyon.

 

Nagpasalamat naman si Dr. Archie La Madrid, team leader ng Manila Adventist Surgical Team sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon, sa walang sawa nitong suporta sa kanilang grupo.

 

Binubuo ng higit 60 mga eksperto mula sa iba’t-ibang bansa, ang specialty group ng Manila Adventist Medical Team ay taunang nagtutungo sa lalawigan ng Quezon upang magbigay ng libreng operasyon sa mga nangangailangan.

 

“Hindi ito magiging posible kung hindi dahil sa partisipasyon ng Provincial Government of Quezon. Masaya kami na nakakapagsilbi para sa inyo, habang kaya namin, babalik kami dito. Hindi pa ito ang huli.” batid ni Dr. La Madrid.

 

Ilan sa mga minor at major surgeries na isinagawa sa loob ng dalawang araw na operasyon ay ang mga kaso na may kinalaman sa cyst, hernia, thyroid, myoma, zplasty, hemorrhoid at iba pa.

 

Matapos ang surgical mission sa bayan ng Lopez ay inaasahan pa ang muling pagbabalik ng grupo nina Dr. Archie La Madrid sa lalawigan upang patuloy na magbigay ng libreng serbisyo sa mga kababayang Quezonian. (Quezon-PIO)

 
 
BACK