Pangangalaga sa kalikasan, patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan


 

2018-01-29

 

 

Sa pamamagitan ng tanggapan ng Provincial  Environment and Natural Resources Office sa ilalim ng pamumuno ng kanilang department head na si G. Manuel Beloso, patuloy na pina-iigting ng pamahalaang panlalawigan ang pangangalaga sa inang kalikasan.

 

Sa isinagawang flag raising ceremony nitong nakaraang Lunes, nagbigay ulat ang nasabing tanggapan tungkol sa ilan sa mga programa at serbisyo na ipinatutupad ng kanilang departamento.

 

Isa sa maituturing na pinakamalaking kontribusyon ng pamahalaang panlalawigan sa kalikasan ay ang isinagawang Quezon’s 2-in-1 program noong taong 2012. Dito ay umabot sa 2 milyong mangrove propagules ang itinanim sa loob lamang ng isang araw kung saan higit 35,000 Quezonian ang nakibahagi sa natatanging aktibidad na isa sa mga ambag ng pamahalaang panlalawigan sa pagpuksa sa climate change.

 

Patuloy rin ang kanilang tanggapan sa pagkilala sa mga Best Performing Solid Waste Management Offices sa pamahalaang panlalawigan kung saan isinasagawa ang proper waste management monitoring sa bawat opisina.  Kaugnay nito, hangarin rin ng tanggapan na maitayo ang isang material plastic recycling factory sa bayan ng Pagbilao.

 

Ayon naman kay Provincial Administrator Romulo Edaño Jr., matapos ang matagumpay at makasaysayan na Quezon’s 2-in-1 ay nakatakda na ring magsagawa ng panibagong programa ang pamahalaang panlalawigan na may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan.

 

Naniniwala si Edaño na sa patuloy na suporta ng punong lalawigan na si Gob. David Suarez at ng mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, patuloy na kikilalanin ang Quezon sa mahusay nitong pangangalaga sa kalikasan sa ilalim ng administrasyong Suarez. (Quezon-PIO)

 
 
 
BACK