PANATA Award, ipinagkaloob ng DSWD sa lalawigan ng Quezon


 

2018-01-29

 

 

Muling pinatunayan ng lalawigan ng Quezon sa ilalim ng pamamahala ni Gob. David C. Suarez ang natatangi nitong ambag sa pagbibigay ng mahusay na serbisyo para sa mga mamamayan nito.

 

Kaalinsabay sa ika-67 taong anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development, iginawad nitong ika-25 ng Enero sa  pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang Pagkilala sa Natatanging Kontribusyon sa Bayan o PANATA Award na ginanap sa Bay Leaf Hotel, General Trias, Cavite.

 

Dumalo sa nasabing pagtitipon sina Provincial Social Welfare and Development Officer Sonia Leyson, PSSupt Rhoderick Armamento, Provincial Administrator Romulo Edaño Jr., at Chief of Staff Webster Letargo.

 

Kinilala ang lalawigan ng Quezon bilang Best Province in Protective Programs and Services Implementation kaugnay ng patuloy nitong suporta sa DSWD sa pamamagitan ng mga programa at serbisyo nito na naglalayong magbigay ng maayos at payak na pamumuhay sa mga pamilya at komunidad sa lalawigan.

 

Isa na dito ay ang programang Yakap Bayan na isa sa mga programang ipinagmamalaki ng lalawigan sa pagtutulungan ng DSWD, PNP, TESDA, ilang religious groups at Bureau of Fire. Sa pamamagitan ng nasabing programa, higit 1,000 drug surrenderees ang nabigyan ng panibagong buhay upang maging disaster front liners sa tulong ng higit isang linggong pagsasanay ukol sa disaster preparedness at emergency rescue.

 

Inaasahan pa ang ilang mga proyekto at programang patuloy pang ibababa at ipagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa iba’t-ibang bayan sa mga darating na buwan sa pangunguna ni Gob. Suarez, alinsunod sa kanyang Next 3, Best 3 Years ng panunungkulan. (Quezon-PIO)

 
 
BACK