Pagdiriwang para sa ika-50 taong anibersaryo ng Provincial Engineering Office, isinagawa!


 

2018-01-16

 

 

Bilang selebrasyon sa ika-50 taong anibersaryo ng Provincial Engineering Office, isinagawa nitong ika-15 ng Enero ang Capability Enhancement Seminar sa Bulwagang Kalilayan. Ang pagsasanay ay dinaluhan ng mga empleyado mula sa nasabing tanggapan sa pangunguna ng kanilang department head na si Provincial Engr. Johnny Pasatiempo.

 

Inimbitahan bilang panauhing tagapagsalita ang microfinance and social entrepreneurship professor mula sa Ateneo de Manila University na si G. Vince Rapisura. Tinalakay dito ang financial lifestage, mga paraan kung paano mapapataas ang mga pagkakitaan at  kung paano makamit ang financial freedom ng isang indibidwal. Para kay Rapisura, ang isang indibidwal ay kailangang magtaglay ng apat na K, ang Kaalaman, Kakayahan, Kakilala at Kapalaran na makatutulong sa pagkamit ng tagumpay. 

 

Ang Capability Enhancement Seminar ay bahagi ng tatlong araw na pagdiriwang ng anibersaryo ng tanggapan kung saan isasagawa rin ang sportsfest, thanksgiving mass at outreach program ng nasabing opisina mula ika-15 hanggang ika-17 ng Enero.

 

Samantala, nagpasalamat naman si Engr. Pasatiempo sa lahat ng mga departamento ng pamahalaang panlalawigan sa patuloy na suportang ibinibigay ng mga ito sa kanilang tanggapan. Aniya, patuloy rin ang suporta na ibinibigay ng kanilang departamento sa ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez sa lahat ng mga programa at proyektong ipinatutupad sa ilalim ng kaniyang pamamahala.

 

Dagdag pa niya, matapos ang matagumpay na pagbubukas ng block 1 ng Perez Park, nakatakda na ring simulan ngayong linggo ang restoration process ng Provincial Capitol Building  na isa rin sa pangunahing proyekto ng kanilang tanggapan at ni Gob. Suarez. (Quezon-PIO)

 
 
 
 
 
BACK