Q1K Program Ibinida sa Galing Pook Awards 2017 Site Validation


 

2017-07-14

 

 

Buong pusong ipinagmalaki at ipiniresinta ng lalawigan ng Quezon sa ginanap na Galing Pook Awards 2017 Site Validation ang ipinagmamamalaki nitong programa na Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K na kasalukuyang isinasagawa sa labing-dalawang munisipalidad sa lalawigan sa pangunguna ni Gob. David C. Suarez at sa pakikipagtulungan ni ALONA Partylist Representative Congw. Anna Marie Villaraza-Suarez.

 

Ibinida ng ama ng lalawigan ang ilan sa mga natatanging gawain na ipinatutupad ng kanyang mga binansagang “super mayors” upang mas mapaigting pa ang programa sa kani-kanilang munisipalidad.  Lubos namang nagpasalamat ang mga mayors na nagsidalo sa nasabing kaganapan. Ayon sa kanila, ang programang Q1K ang programang mas nakapagbibigay ng wastong pangangalaga sa mga buntis sa lalawigan at ang ganitong uri ng programa ay mahalaga hindi lamang sa lalawigan ng Quezon, ngunit sa buong bansa.

 

Ibinahagi naman ni Q1K Program Management Officer, Dra. Grace Santiago ang kwento sa likod ng pagkakabuo sa nasabing programa. Bukod pa dito ay ibinahagi rin niya ang ilan sa mga naging hamon sa pagtupad ng programa tulad na lamang ng mga tradisyon o paniniwala ng ilan sa mga potensyal na benepisyaryo. Naniniwala si Dra. Santiago na ang programang Q1K ang magsisilbing daan upang magkaroon ng mas maunlad at matibay na komunidad sa bansa.

 

“We need to invest in Q1K, because the first 1,000 days of a child is the window of opportunity and that is the key to development.” pahayag  ni Dra. Santiago.

 

Kasalukuyang isinasagawa ang Q1K program sa 12 pilot municipalities sa lalawigan kung saan nakapaloob sa programa ang tatlong key components na health care and sanitation, food and nutrition at social care. Isinasagawa ang monitoring nito sa bawat munisipalidad sa tulong ng mga Q1K coordinators at technical working group na nagtutungo sa bawat bayan na sakop ng programa.

 

Isa sa mga katangian na hinahanap upang maging isang Galing Pook finalist ay ang sustainable development ng isang programa, kung saan ito rin ang pinagtutuunan ng pansin ng programang Q1K. Ito ay alinsunod na rin sa paniniwala ng gobernador sa human development na nais niyang tutukan sa lalawigan. Ukol naman sa resulta ng programa, binigyang-diin ng gobernador ang pagtututok sa maidudulot ng programa hindi sa kasalukuyan ngunit sa hinaharap.

 

“Dahil dito sa Q1k, hindi po agad makikita ang resulta nito bukas. Hindi rin sa susunod na taon. You can see actual benefits of Q1k pag yung bata ay 9 years old na. tapos na po ang term natin, pero I believe that’s the beauty of investing into the future, is your not asking anything in return. Rather your investing in the lives of the people who voted for you and making sure that the future of their children is a lot better than the present day situation that they have.” pagtatapos ni Gob. Suarez. (Quezon – PIO)

 
 
BACK