ICU Complex sa Pay Annex ng Quezon Medical Center, Pormal nang Binuksan


 

2017-07-14

 

 

Tinupad ng ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez ang kanyang pangako na magkaroon ng sariling Intensive Care Unit ang Quezon Medical Center makaraan ang pormal na pagpapasinaya niya kamakailan kasabay ng unang taong anibersaryo ng pagkakatayo ng QMC Annex. Personal rin niyang binisita ang bagong pasilidad at kinamusta ang kalagayan ng mga pasyente dito.

 

“For 7 years, the health sector has been the number one priority of our administration. I believe that improving the quality of health, improving the institutions that provide the quality of health should be an unending process of improvement. Especially ngayon development is indeed upon us. “ pahayag ni Gob. Suarez.

 

Aniya, ang pagtuon ng pansin sa sektor ng kalusugan ay hindi lamang upang harapin ang problema ngayon, kundi pati na rin sa hinaharap at isa sa mga ipinagmamalaki niyang taglay ng nasabing ospital ay ang ICU Complex na pinaka-una sa lalawigan na mayroong ganitong uri ng pasilidad.

 

Dagdag pa ng gobernador, ito ay isa sa mga aksyon upang higit pang mapaigting ang kakayanan ng mga hospital staff. Binigyang pagkilala naman ng gobernador si QMC Chief of Hospital Dr. Rolando Padre sa kanyang magandang pamamahala sa nasabing ospital.

 

Ang Quezon Medical Center ay isa sa prayoridad ng pamahalaang panlalawigan na pinaglalaanan ng pondo upang lalong higit na mapakinabangan sa hinaharap lalo na ang mga pasilidad nito. Inanunsiyo rin ng gobernador ang nakatakdang pagtatayo ng mirror building sa tapat mismo ng QMC Annex. Bukod pa rito naglaan na rin ng mga karagdagang silid para sa mga pasyente kasabay ng pagbibigay ng sari-sariling kama para sa mga ito.

 

Masaya ring ibinahagi ng gobernador sa tulong ni House Minority Floor Leader at Bundok Peninsula Representative Danilo E. Suarez ang pagprovide ng Magnetic Resonance Imaging machine o MRI na kung maisasakatuparan, ang QMC lamang ang government hospital na magkakaroon nito sa buong Southern Tagalog. Para kay Gob. Suarez kailangang patuloy na paunlarin pa ng lalawigan ang serbisyong ibinibigay nito sa mga kapwa Quezonians at ito ay isang malaking hamon sa kanyang liberato na handa niyang harapin.

 

Ibinahagi rin niya ang nagaganap na validation ng probinsya para sa Galing Pook Award, kung saan isinumite ng lalawigan ang programa nitong Quezon’s First 1000 Days of Life o Q1K na isa sa mga programang personal na tinututukan ng gobernador kung saan mas binibigyang-pansin ang human development hindi lamang ng mga ina, ngunit lalo’t higit ang mga isisilang na sanggol sa lalawigan.

 

“Sa lahat ng nagta-trabaho sa Quezon Medical Center, you have always been a source of pride and happiness for me. Please continue working hard, we will continue to work for you and will continue to further improve the health sector of Quezon Province.” pagtatapos ni Gob. Suarez.

 
 
BACK